Dito Na Nagtatapos

Hindi ko alam kung paano ko muling pupulutin ang nadurog kong puso sa sunod sunod na pagsubok sa buhay. Kahit gaano katindi ang pinagdaanan sa buhay, pinulot ang lahat ng natutunan, hindi pa rin natin kayang kontrolin pag sinaktan ka at sinukuan ng taong mahal mo.

Siguro kung hindi mo inipon lahat ng sama ng loob, inis o tampo o galit na meron sa puso nung araw na sinabi mong ayaw mo na, baka naayos pa natin ang lahat. Baka hindi dumating ang oras na sumuko ka. Masaya tayo noon, pero habang tumatagal tayo, sana naisip mo din na hindi magbabago ang pagmamahal ko sayo pero patuloy ang pag ikot ng mundo. Nung sinabi mo saken na gusto mo ng makipaghiwalay, hindi ko talaga maintindihan. Pinilit kong ipaunawa sayo na kung ikaw ang nasa sitwasyon ko, ano ang mararamdaman mo? Ipinaliwanag ko ang lahat ng dahilan, sinagot ko ang lahat ng tanong at binigyan ka ng sapat na panahon na kumalma at pag isipan ang mga bagay bagay. Pero buo na pala ang desisyon mo.
Noong sinabi mo saken na “mahal ko din naman ang sarili ko”, naisip ko na talagang madami na siguro akong pagkakamali, pagkukulang at pinaramdam na hindi ka mahalaga kaya ko tinanggap ang desisyon mon a maghiwalay tayo. Pero nung sinabi mo na sinusubukan mo ko kung ano ang pipiliin ko kaya mo sinabi yon, hindi lang ako ang niloko mo, niloko mo din ang sarili mo. Dun na ko nakaramdam ng galit. Inakala ko na matured ka na mag isip kaya mo nasabi ang mga salitang yon, na alam mo na ang self love, ang self value. Ayokong ipagkait yun sayo dahil ayokong dumating din ang panahon na ako naman ang magsabi non at hiwalayan ka. Pero ginawa mo siyang pain para subukan ako, at dahil don pakiramdam ko para akong basura na walang pakinabang, parang isang bata na hindi pa kayang magdesisyon sa buhay at kailangang diktahan. Pakiramdam ko para akong manika na kung kelan mo gustong kausapin o paglaruan, chaka mo lang ako ilalabas sa estante. Parang wala akong karapatang maging masaya sa sarili kong paraan. Ayoko ng ganung pakiramdam, ayokong pinaparamdam saken na hindi ko hawak ang mundo ko.
Gusto kong tanggalin ang puso at isip ko ngayon dahil wala ng sapat na salitang makapagpapaliwanag ng nararamdaman ko, sobrang hirap, sobrang sakit, parang sasabog ang dibdib ko, parang gusto ng kumawala ng utak kong punong puno ng tanong at awa sa sarili. Ayokong makipag usap kahit kanino, ayokong makisalamuha sa iba, kahit pa sa pamilya o mga kaibigan. Napapagod na kong umiyak, napapagod na ko mag isip, napapagod na ko sa buhay na meron ako ngayon.
Wala akong ibang gusto kundi magmahal at mahalin ng walang pag aalinlangan. Ganun ba talaga kahirap? Ito ang paulit ulit na tanong na gumugulo sa isip ko. Pakiramdam ko talaga, wala ng taong nakakaintindi saken. Gustohin ko man na pakawalan ang lahat ng negatibong nararamdaman ko, hindi ko mahanap ang paraan kung saan ako magisisimula at kung hanggang kailan ko pagdaraanan ang lahat ng ito.
Hindi ko pa matanggap na wala ka na, na wala ng tayo. Pero ayoko ng bumalik sa relasyon na nagkaroon tayo. Hindi dahil sa hindi n akita mahal, kundi dahil naramdaman ko na ganun kababa ang tingin mo saken. Paulit ulit kong pinagdarasal na sana matapos na ang lahat ng sakit na nararamdaman ko ngayon para makausad na ko sa buhay, pero gusto pa ba talagang mabuhay?
Nakapahalaga mo sa buhay ko, mahal na mahal kita. Ngunit ayoko nang magpatuloy sa relasyon na kayang wasakin ng dahil sa padalos dalos na desisyon at pinangingibabawan ng puot at sumbatan. Sana makahanap ka ng taong mamahalin at papahalagahan ka ng higit sa nagawa ko. Hindi ako perpekto, patawad, hindi kailanman mangyayari yon. Hinding hindi ko makakalimutan ang lahat ng masasayang alaala natin, lalo na ang mga yakap mong nagsasabi noon na ligtas ako habang nakabalot ako sayong mga bisig, ang bawat halik mo na nagsasabing ang puso natin ay iisa.

Baka ganun talaga, meron tayong hangganan. Hindi ko alam kung gaano katagal ang kakailangan ko para masabing hindi na kita mahal, pero dito na nagtatapos.

Exit mobile version