Gusto kita, pero ako’y isang torpeng romantiko,
Kaya naman, lahat ng nararamdaman ko – para sa’yo,
Ay sa simpleng tula ko na lang idadaan,
At lihim na pagtingin sa’yo, iyo nang malalaman.
Pero ako’y kinakabahan habang sinusulat ko ang bawat letra,
Mga daliri’y nanginginig..hindi alam kung saan magsisimula,
Napapahinto sa pagsulat, bigla kasing naaalala iyong mga ngiti,
Matamis..nakakakilig at ang sa puso ko’y nakabighani.
Sinusulyapan at gusto ka nang puntahan, pero ako’y nahihiya,
Kapag gusto kang kausapin, dinadaan na lang sa pagpapatawa,
Kahit kadalasa’y nako-kornehan ka na sa aking mga joke,
Bibitaw pa rin ng mga linya, kaba’t hiya ko lamang ay malunok.
Kahit minsan sobrang corny na, alam kong ika’y natatawa rin,
Napapangiti kita, kaya kahit waley, babanat at babanat pa din,
At magkaiba man ang ating pananalita, isa lang ang hinihiling ko,
Sana’y dumating ang panahon, ating nararamdama’y magkapareho.
Kaya lamang, ako’y nagdadalawang-isip kahit isa lang ang utak ko,
Kung itutuloy na sabihing gusto kita, kasi magkaibigan nga tayo,
Baka mailang ka’t hindi mo na ako pansinin at kausapin,
Malulungkot talaga ako, kasi hindi ko yun kayang tanggapin.
Pero sana’y mabigyan mo ng pagkakataon na makasama’t makapiling kita,
At nang maipahayag at maiparamdam ang pag-ibig ko sa’yo sinta,
Malalaman mong hindi ito biro, at akin pang mahigitan ang unang dalawang salita ng tulang ito,
Matapang kong sasabihin at isisigaw pa na MAHAL KITA – ikaw na ang panalo!