Kung sakaling mabasa mo

Sa tuwing gagawa ako ng tula para sa’yo, inaalala ko ang unang araw na nakilala kita.

Pumasok ka sa pintuan ng silid aralan, sabay lapag ng mga gamit mo sa lamesa. Pinakita mo sa lahat ang masigla mong mga ngiti at pinarinig ang tinig mong mahinahon na tila ba iyon ang nais kong marinig sa susunod pang mga araw kahit na alam kong magiging maikli lamang ang tagpo nating iyon. Ngunit sino mag aakala na dininig ng tadhana ang hiling ko na makausap ka; heto at mag iisang taon nadin tayong nagkakausap. Pag uusap na walang halong romantiko, tanging mga salita na magpapagaan lamang sa loob ng bawat isa sa panahong ito. Alam ko, tila imposible na magugustuhan kita. Ngunit anong magagawa ko? kung kusa ko nalamang naramdaman ang lahat ng ito.

At nung minsan, nakabuo ako ng isang kanta para sayo habang pinapangarap na balang araw may patutunguhan din ang nararamdaman kong ito habang pikit mata, mag bubulagbulagan nga ba ako? Hindi pwede, hindi dapat. Hindi nga pala pwede… Dahil nasa piling ka na ng iba. At sa sandaling ito, sinusulat ko ang mga salitang nais kong sabihin sa’yo. Ngunit katulad ng tula at awit na isinulat ko, itatago ko ang mga ito katulad ng pagtingin ko sa’yo.

Kung sakaling mabasa mo, itong nararamdaman ko… Pwede bang ikaw nalamang ang mag tago ng lihim kong ito? Ang lihim ko na minsan, ako’y nahulog sa’yo.

Leave a comment

Exit mobile version