Liham ng Pagpapatawad

Mahigit isang taon na mula ng magtrabaho ako rito sa banyagang bansa, nabalitaan ko mula sa kanya na magbabakasyon ka rito, susubok na makahanap ng trabaho. Nagkita tayo upang magkamustahan. Muling nagkita sa pangalawang pagkakataon, dahilan bilang nabanggit ko lamang na nabitin ako sa kwentuhan natin. Nangako kang sasamahan akong mamasyal kapag nakabalik ka rito para magtrabaho. Pangakong napako.

Hindi mo alam kung paano kong pinipigilan ang sarili kong umasa sa mga salita mo. Matapos ang pagkikita natin at kapag makabalik ka sa ating bansa, hindi ako naghangad na mabigyan mo ng atensyon at pagmamahal. Ngunit ikaw na rin mismo ang unang nagmensahe sa akin at doon na nagsimula na mas makilala kita. Naging malambing ka sa akin. Araw-araw, hindi mo nalilimutan na batiin ako sa umaga, tanghali, at tanungin kung nakauwi na ako tuwing hapon. Nagagalit ka kapag nalaman mong hindi ako kumakain dahil nagrereklamo akong gutom. Hindi mo pinaramdam sa akin na magkalayo tayo.

Bago pa man ako mangibang bansa ay may lihim na akong pagtangi sa iyo. Kaya naman ang pagbibigay mo ng atensyon sa akin, ang pagiging maalaga mo at maalalahanin ang lalo pang nagpalalim ng aking nararamdaman para sa iyo. Nang minsan kong maisipan na paglaruan ang aking mga salita.

“Pst. May itatanong ako sa’yo.”

“Ano iyon?”

“Pero mamaya na lang. Mag trabaho na muna tayo.”

“Ano nga iyon?”

Binigay ko ang tanong matapos ang ilang oras.

“Ano sa tingin mo ang itatanong ko?”

Iyon ang tanong. Kaya’t ikaw na rin mismo ang bumuo ng tanong na “Bakit ganito ako sa’yo?”

Hindi nasagot ang tanong na iyon dahil ang totoong motibo ko lamang ay malaman kung ano sa tingin mo ang nais kong malaman mula sa iyo. Noong panahong iyon ay pareho nating hindi gustong bigyan iyon ng kasagutan. Hindi mo nais sabihin, hindi ko gustong malaman.

Mula sa pagtatago ng aking nararamdaman, dumating ang punto na ginusto ko nang iparamdam iyon sa iyo. Dito na papasok ang ‘ngunit’.

Ngunit dumaan ang mga araw na hindi mo na ako kinukumusta. Wala na ang araw-araw mong mensahe. Wala na ang mumunting presensya mo sa araw ko. Naglaho ka. O nagtago.

Nagbakasyon ako sa Pinas. Sa pag-aakalang nasa akin pa rin ang atensyon at pagmamahal mo, nakipagkita ako sa inyo.

Doon ko hiningi ang kasagutan sa sarili mong tanong. Kasagutang naging sanhi ng unti-unti kong pagkamuhi sa iyo.

“Alam kong gusto mo ako at sinusubukan kong magustuhan ka.”

Bumalik ako rito na dala-dala ang galit sa iyo. Saka mo naman ako muling binigyan ng mensahe. Humihingi ka ng tawad.

Wala kang sinabi kung ano ba ang dahilan ng paghingi mo ng tawad. Tila ba pareho nating alam kung para saan iyon at hindi na kailagan sabihin. Noon din ay pinaalam ko sa iyo kung gaano kita kinamuhian sa ginawa mo.

Siguro kung hindi ko alam ang pinagdaanan mo, baka hindi kita kamumuhian. Pero alam ko na naranasan mo mismo iyon. Hinalukay kong mabuti ang memorya ko kung ano ba ang nagawa kong kasalanan sa’yo upang iparamdam mo sa akin ang naranasan mo. Bakit?

Nang malaman kong may iba nang nagpapagaan ng loob mo, bumubo ng araw mo at nagpapasaya sa’yo. Pinutol ko ang lahat ng koneksyon natin, maliban sa kanya na malapit kong kaibigan. Siya na palaging kini-kilig sa ating dalawa. Hindi ko gustong maputol ang pagkakaibigan namin.

Makalipas ang isang taon ko lamang nalaman na ang naging espesyal na parte ng buhay mo ay walang iba kundi siya.

Hindi mo alam, pero mula noon ay nalusaw ang lahat ng galit ko sa iyo. Maging siya ay inaakalang galit pa rin ako sa iyo. Pero ang totoo, masaya ako para sa inyo. Nagulat ako pero hindi ako nagalit sa kanya. Naiintindihan ko siya. Natutuwa akong malaman na nahanap mo na ang taong magpapasaya sa iyo matapos ang pinagdaanan mo.

Hindi ko pa rin magawa na sabihin sa iyo ng direkta na napatawad na kita dahil ayoko naman umeksena sa pagitan ninyong dalawa. Sana, sa kung paano mang paraan ay malaman mong napatawad na kita.

Exit mobile version