Di ko mawari itong aking nadarama
Nakakamangha na tuluyan ng nawala
Dati-rating pagtangi di na makita
Totoo nga palang pag-ibig sadyang mahiwaga
Binalikan ko ang ating larawan upang magbalik-tanaw
Ngunit kataka-taka na kahit katiting na pagsinta’y di na maaninaw
Sadya bang ganito pag puso’y nakalimot na?
Kusa bang nabubura ang saya at kirot na dinulot nya?
Gusto ko sanang alalahanin ang saya ng pagmamahalan
Nais kong tingnan ang magagandang dulot ng pinagsamahan
Ang tatlong taong memorya na dati’y kay daling balik-balikan
Bakit ngayon ito’y kay ilap? Tila ninakaw ng kalawakan…
Unang taon ng paglimot ay sadyang masakit
Lugar, kanta, anu mang bagay paniguradong mapanakit
Walang katapusang katanungan sa isip ay gugulo
Kahit di nainisin, mga luha’y kusang tutulo
Pangalawang taon, magsisimulang bumalik ang katinuan
Unti-unting inaanalisa, anu-ano nga bang dahilan
Mas malinaw ang isip sa pagtingin ng bawat panig
Katwiran sa halip na puso ang nananaig
Pangatlong taon ay mabilis lang
Lumalamlam na rin ang mga alaala
Lalo na ang ika-apat na taon
Tila naglaho lahat, sa puso’y di na rin mahagilap
Totoo nga palang pag-ibig ay lumilipas din
Di ko akalain na ito’y mangyayari din sakin
Gayunpaman dalangin ko’y biyaya ng tunay na pagmamahal
Nagtitiwalang sa tamang panahon ibibigay din ng Maykapal