Mahal kita, kaya pinapalaya na kita.

Hindi ko alam kung san magsisimula ang mensahe ko na ito sayo, pero alam ko naman na hindi mo mababasa itong sulat ko. Isang buwan, simula ng aminin ko sayo ang nararamdaman ko. Akala ko magiging madali lahat para sakin, pero mali ako. Akala ko kapag pinagtapat ko ang totoo, magiging maayos ikaw at ako.

Pero bakit nagkaganito?
Bakit lalo tayo nagulo?

Mahirap.
Masakit.
Masaya.
Malungkot.

Mga pakiramdam na aking nararamdaman mula ng ipagtapat ang aking tunay na nararamdaman sayo. Pinipilit kumapit sa mga pangako mo, na balang araw magiging tayo. Pinipilit indahin ang sakit na dulot ng mga sinabi mo, na ako ang mahal mo at nakakapagpasaya sayo. Masakit, pero inintindi at ninamnam ko ang dalawang salita na “meron kayo”.

Palihim na umiiyak dahil sa lungkot at sakit na nararamdaman, pero wala akong boses para ikaw ay ipaglaban. Dahil alam ko sa sarili ko na ako’y walang laban, sapagkat umpisa pa lang sya ang may karapatan. Pinili ko na mahalin ka ng patago, ngunit puso’y hindi maiwasan makaramdam ng panibugho. Kaya mahal ko, ako ay nagdesisyon na tuluyan ng maglaho.

Para ang puso mo ay di na malito at makamtam ang tunay na ligaya sa piling nya. Ako ay nagpasya na ibigay ka na ng buo sa kanya. Pasensya na, kung ikaw ay nagulo at naabala, hangad ko ang iyong ligaya. Hindi ko na patatagalin pa ang iyong pagdurusa, dahil alam ko sa piling nya, ikaw ay masaya.

Sa huling sandali gusto ko sabihin sayo, “Mahal kita, kaya pinapalaya na kita”.

Exit mobile version