Sugatan Sa Maling Laban

Ako, ako ang sugatan sa isang maling laban,

Laban para sana sa mahal ko,

Mahal ko na ang gusto pala ay iba,

Mahal ko na gusto palang maging malaya,

Mahal ko na hindi pala kayang lumaban,

Mahal ko na hindi ako ginustong ipaglaban.

Sugatan ako, wasak hanggang dulo,

wasak sa giyerang ginawa ng mundo

na para sana sa dalawang tao.

Oo, dalawang tao, ngunit bakit iisa lang ako?

Iisang lumaban, iisang nagsikap,

iisang nasugatan, iisang nasaktan.

Sa laban ng pag-ibig

na hindi ko naman sana ginustong masali

ngunit dahil nakita ko sya,

nagpasya akong sumama,

Makiisa, maki-baka, maki-giyera.

Ngunit bakit sa sa panahong tilamas mahirap na,

Bigla kong naramdaman ang pangungulila?

Lumingon ako,

At nakita ko ang likod mong papalayo,

na tila sumuko na,

tila umayaw na,

tila pagod na,

na tila nagsasabing may sugat na ako kaya tama na.

Pero hindi mo ba nakita

na mas marami akong sugat sa iyo,

na mas marami akong galos alang-alang sa pangako,

na mas maraming akong tama ng bala,

na mas mahirap pala sana sa akin ang lahat ng giyera?

Ako sana ang umayaw, kaso di ko ginawa.

Ako sana ang bumitaw, pero di ko yun inalala.

Kasi, akala ko kasama kita, nasa likod kita,

Akala ko lang pala.

Matagal ka na palang kumawala.

Matagal ka ng lumisan.

Matagal ka ng nang-iwan.

Matagal mo na akong hinayaang lumaban ng mag-isa.

Matagal mo na akong hinayaang lumaban ng mag-isa.

Kaya heto ako,

Ako ang sugatan sa isang maling laban.

Laban para sa mahal ko,

Mahal ko na ang gusto pala ay iba,

Mahal ko na gusto palang maging malaya,

Mahal ko na hindi pala kayang lumaban,

Mahal ko na hindi ako ginustong ipaglaban.

Sugatan ako, wasak hanggang dulo,

wasak sa giyerang ginawa ng mundo

na para pala sana sa dalawang tao,

Pero bakit iisa lang ako?

Ngunit dahil naranasan ko ng mag-isa.

Dahil naranasan ko na kung paano,

Kaya ko na.

Oo, kaya ko na.

Kaya ko nang bumangon mag-isa,

Kaya ko nang kumawala ng mag-isa,

Kaya ko nang lumaban ng ako lang,

Kaya ko nang manalo alang-alag sa pangako,

Pangako para sa sarili ko.

Pangakong di na muli akong susugal sa maling tao,

Pangakong di na uli akong lalaban sa giyera ng pag-ibig, lalo na kung walang tao sa tabi ko,

Pangakong di ko na muling hahayaang sarili ay masaktan.

Masaktan sa mga bagay na di naman kailangan.

Mga bagay na di kalaban-laban,

Mga bagay na dapat sanang hinayaan na lang.

Di na muli ako susugal sa mga taong di kayang manatili,

sa mga taong hirap mamili,

sa mga taong walang isang sabi,

sa mga taong di kayang kumaban sa tabi ko.

Oo, ako nga ang sugatan sa isang maling laban,

ngunit bumangon,

nagpagaling,

nagpasya,

at naghahanda na muling lumaban sa isang giyerang sisiguradahin ko ng TAMA!

Exit mobile version