Mahal Malaya Ka Na

Sa una lang masaya, naitanong mo na ba?
sa una lang masakit, naniniwala ka ba?

Masaya naman ako noong magisa, gumigising sa umaga, papasok sa eskwela, nakangiti pa nga habang kausap ang barkada – excited sa mga lakad kahit na sinasabing on the way na pero nakahiga pa. O diba? yan ako, noong wala ka pa. Masaya, normal, at walang sakit na nadarama.

Dumating ka, mas naging masaya, hindi na normal kundi abnormal dahil sa kilig at kiliting umuukit sa isip at damdamin ko.

Yung mga unang araw at buwan na puno ng mga alaalang buong akala ko’y mananatili ngunit malilipasan at mapapalitan ng mga walang humpay na awayan maliliit na di pagkakaintindihan mga simpleng bagay ngunit gumuguhit sa damdamin ko na mahina pagdating sayo.

Ayaw ko! sa lahat ng bagay na maglalayo sayo mula sa’kin. Iniisip ko palang naninikip na ang dibdib ko.

Iniisip ko lang to kanina at eto nangyayari na ngayon. Yung mawawala ka at iiwan ako, yung paninikip ng dibdib ko, para bang yung paghinga ko ay nakasalalay sa bawat hakbang mo, palayo ng palayo, pahina ng pahanina at unti-unti nang nawawala.

Batid ko na ang saya ay may hangganan pero bakit parang mas matagal pa ang pagtambay ng sakit at lungkot kaysa sa saya at ligaya na dulot mo.

Di magtatagal, babangon ako sa pagkakalugmok, baba ako mula sa ere na pinagiwanan mo, lalabas ako sa pinagtataguan ko at masasabing sa wakas may lakas na akong sabihin sayo……

Malaya ka na Mahal ko, ay mali pala
Malaya na ako sa paniniwalang mahal mo pa ako.

Exit mobile version