Mahal mo, pero hindi para sa’yo

Siguro nga dadating yung pagkakataon na makakakilala ka ng taong babago ng pananaw mo. Yung tao na gagawa ng kakaibang saya sa buhay mo. Yung taong papahalagahan mo, kahit kalimutan mo na ang sarili mo. Yung taong hindi mo kayang bitawan, kahit nasasaktan na ang buong pagkatao mo. Hindi mo maisip bakit kailangan mong maramdaman lahat ng ito, pero wala kang magawa kundi magmahal kahit hindi ka sigurado. Sa una akala mo walang epekto lahat ng pag-uusap niyo. Lahat ng kwentuhan niyo, lahat ng pagtawa mo sa mga birong paulit-ulit niyang sinasabi pero ang benta pa rin sa’yo. Sa maamo niyang mukha na nakakatunaw tuwing nakikita mo. Sa mabait niyang ngiti kapag siya ay binabati mo. Akala mo wala lang lahat ng ‘yon, pero sa totoo lang, hulog na hulog na ang loob mo.

Masakit isipin na hindi siya para sa’yo. Paano ba naman, sa tuwing nag-uusap kayo, ikaw lang ang ganado. Dumating yung araw na siya ay unti-unti ring naglaho. Nakakagulat isipin na ang tao na minsang napakalapit sa’yo ay isa na lang sa mga taong nakilala mo. Ang masakit pa doon, minahal mo pa pala ng totoo. Hanggang sa ikaw ay napagod at huminto na rin sa kalokohang pinasok mo. Mahirap ang kalimutan siya, lalo na ang alisin siya sa isip mo. Hindi mo maintindihin kung bakit biglang natapos yung isang pagsasama na akala mo ay may magandang kahihinatnan sa dulo. Bigla mo nalang napagtanto, na ang lahat ng meron kayo ay kailangan nang magbago.

Siguro dadating talaga ang taong magpapasaya sa’yo sa maikling panahon. Siguro kailangan mo na lang talagang tanggapin na hindi magiging kayo. Marami man ang luha at lungkot na ibinuhos mo, asahan mo na may kapalit itong saya sa piling ng tamang tao. Hindi man siya ang itinadhana para sa’yo, sana matutunan mo na ang puso mo ay hindi basta basta binibigay kung kanino. Una mong pahalagahan ang sarili mo, para makilala mo ang magmamahal sa’yo ng totoo. At kung sa ngayon ay hindi mo pa magawang makalimot, baka nga kailangan mo nang aminin na siya ay mahal mo, pero hindi para sa’yo.

Exit mobile version