Malayang Taludturan ng Walang Katuturan

Hanggang kailan ako magiintay na kumalma ang pusong puno ng pangamba
Kailan mapapatahimik ang utak
Kailan maidurugtong ang napatid na dulo ng pisi
Sinu ang lalapit para magtanong kung napapano
Sana lahat, pero bilang sa mga daliri ang mapapatanong

Paghinga at pagdampi ng hangin sa pisngi ay malaking kaluwagan sa dibdib na said na sa espasyo
Wala nang pahinga kundi ang paghinga
Malalim, malalim na paghinga kasabay ng di mapakaling tibok ng puso
Tinitiis ang sakit, bagamat hindi alam kung bakit
Tila wala nang oras para suyurin ang utak
Di napigilan luha’y pumatak
Hindi rin gusto o ginusto, kusa ito
Nais ding magwakas na ang pagsigaw nang di ko na marinig ang alingawngaw

Isa na lang ang maaaring gawin
pagluhod ng tuhod at paglapit bilang pagkapit
Anu nga uli? uulitin ko,
Luhod kahit ngalay ang tuhod
Lapit senyales ng pagkapit
Paglapit nang may iyak kahit hindi tiyak

Aasang sasagot Sya sa tanong na bagot
Di mu man aminin ang lahat, alam Nya ang lahat
Ganap Sya kaya magkakaroon ng kaganapan

Exit mobile version