Malungkot, pero kakayanin ko

Sa tuwing nakikita ka, masaya ako. Sa bawat simpleng pag-sulyap sa’yo, nakukumpleto ang araw ko. Talagang ikaw ang aking gusto. Matagal ko nang nalaman ito, pero pilit ko pa ring tinatago. Kailangang pigilan ang sarili na lapitan at kausapin ka. Kailangan kong maging matapang. Maging matapang na ipakita na para sa akin, ikaw ay wala lang. Ang hirap magpanggap. Ang hirap umiwas. Siguro nga ramdam mo na, pero wala ka pa ring ginawa. O baka nga talagang hindi mo ako kayang ipaglaban? O baka naman, wala ka talagang nararamdaman?

Ano na ang gagawin ko? Sa tuwing nilalabanan ang lungkot kapag nakikita ka, hindi ko mapigilan ang lumuha. Bakit nga ba ganto ako sa’yo? Hanggang kailan ko titiisin ito? Baka nga kailangan ko na lang limutin lahat ng alaala mo. Kailangan ko na nga sigurong tanggapin na ikaw at ako ay hindi pinagtatagpo. Magulo at hindi klaro. Hindi ko maintindihan kung ano ba ako sa’yo. Pero ngayon, nakikita ko na ang totoo. Puso ko ay napaglalaruan mo, kaya naman hindi na ako magpapalito.

Pasensya ka na dahil ako ay nagmahal sa’yo. Hindi ko rin ito ginusto. Hindi ko ginusto ang makaramdam ng ganito, lalo na at puro lungkot na lang ang nilalabanan ko. Alam kong hindi mo kayang ibalik sa akin ang pagmamahal na ito, kaya ako na ang kusang lalayo. Kahit itapon pa ang pagkakaibigang naudlot, wala akong magagawa kundi sumuko. Ito na siguro ang huling pagpapahayag ko sa’yo. Dahil minsan kailangang tanggapin na hindi lahat ng laban ay naipapanalo. Kagaya ng pag-ibig ko sa’yo na kailangan nang maglaho. Malungkot, pero kakayanin ko.

Exit mobile version