MASAYANG ALA-ALA

Dati akala ko masaya na ako
Sabi ko, hindi naman pala malungkot mag-isa
Mas masaya pa nga kasi wala kang ibang inaalala
Lahat pwede mo gawin, lahat pwede mo puntahan
Kahit sino pwede mo samahan

Hanggang sa dumating ka sa buhay ko,
Nagulat ako, mas may isasaya pa pala ako
Sabi ko, mas masarap pala talaga yung may kasama
Ang saya na may palagi sayong umaalala
Lahat nagagawa nyo, kahit saan napupuntahan nyo
At kahit dalawa lang kayo, para bang kumpleto na at kuntento.

Ang saya mabuhay!
Ang sarap magmahal!
Ang sarap sa pakiramdam na nakilala kita,
Na nakasama kita.
Walang kahit na kaunting ala-ala ang gusto kong kalimutan
Walang sandali na hindi ko naramdaman ang pagkukulang
Naguumapaw ang pagmamahal na pinaramdam mo sa akin
Mula sa umpisa hanggang sa pinakahuli.

Sa tuwing ikukwento ko ang tungkol sayo
Hindi ko maiwasang maipakita sa kanila ang kasiyahan ko
Kahit pa sa dulo ng kwento ko, ang binabanggit ko ay wala na tayo
Oo nga pala!
Hindi nga pala talaga naging tayo
Pero bakit pakiramdam ko kulang na lang eh ikasal tayo?
Seryoso, walang biro!
Gusto kong maging sayo hanggang dulo.

Naaalala ko pa ang bawat sandali na tinititigan kita
Habang iniisip ko ang buhay ko kasama ka
Kung paano natin palilipasin ang maghapon
Kung paano tayo sa paglipas ng panahon
Nasabik akong magkaron ng sariling pamilya
Tumira sa isang bahay na ikaw ang kasama
Mag-alaga ng bata na ikaw ang tinatawag na papa
Maglaba ng damit tapos ikaw yung magluluto diba?
Makatabi ka sa pagtulog at tititigan ka lang hanggang mag-umaga
Ngunit ang lahat ng ito, ang makasama ka
Ay isa na lamang pangarap.

At ang mga panahong nakasama ka,
Mga oras na yakap ka, mga tamis ng iyong halik na hindi nakakasawa
Mga lambing na pumapawi ng panghihinayang at pagdududa
Mga sandaling ayaw ko nang mawala sana
Ay isa na lamang masayang ala-ala.
Dahil ang isang tulad mo na hindi ko naman hiniling ngunit dumating
Ay muli ng binawi at tuluyan ng nawala sa akin.

Exit mobile version