Hindi ka kahit kailan magiging sa akin pero minsan ko nang pinangarap na mapa-sa’yo ang isang tulad ko. Hindi ko na rin mabilang ang mga beses na nabanggit ko ang pangalan mo sa mga dasal ko kahit na ibang pangalan naman ang sinisigaw ng puso mo. Sandali lang tayo pinagtagpo pero habang buhay kong pasasalamatan ang tadhana, dahil nakilala kita at tinuruan mo akong mahalin ka. Minahal kita dahil ikaw ang nagsabing abutin ko ang mga pangarap ko, hanggang sa sinubukan ko na maabot ka. Tinuruan mo akong buksan ang pintuan ko palayo sa nakasanayan kong mundo, hanggang sa umikot na sa’yo ang mundo ko.
Mahal, hindi ko sinasadyang masanay sa mga ngiti at himig ng boses mo. Patawad kung hindi ko maiwasan na manatili sa tabi mo. Hindi ko sinasadyang ihiling na sana, naging tayo na lang… kaya hanggang dito na lang ako.
Tanggap ko nang hindi ako ang taong magpapasaya sa’yo. Tanggap kong hindi ako ang pinipili mo. Salamat dahil ikaw ang dahilan para sumulat ako muli. Asahan mo, buhay ang alaala mo sa akin hanggang sa huli.
Paalam mahal, pinapalaya na kita.
—Ivette Caburnay