Mga matatamis na alaalang kay sarap balikan
Mga alaalang nagturo sayo at sa akin ng kahulugan ng kaligayahan
Mga alaalang syang nagturo sa atin kung paano maging matatag
Mga alaalang bagama’t may kaunting sakit ay hindi dapat ibaon na lamang basta sa limot
Muli nagbabalik na naman sa akin ang lahat na para bang kahapon lang
Muli aking ninanais na ika’y mapagmasdan
Muli aking ninanais na makita ang iyong ngiti,
Marinig ang iyong mga halakhak
Noon tayo’y parang kambal tuko na hindi mapaghiwalay
Noon ang isang maghapong pagkukwentuhan sa atin ay para bagang ilang minuto lang
Noon sa bawat patimpalak na ating sasalihan, lagi ng ang isa’t isa ang ating inspirasyon
Sa bawat pagpupunyagi ang isa’t isa ang syang pinagaalayan,
Muli aking ginagawa ang mga bagay na tinalikuran kong gawin,
Mula ng ako’y lumisan sa iyong piling
Muli aking binabalikan ang matatamis na alaalang ating pinagsaluhan
Mga alaalang nararapat lang na ilagay sa tinta’t papel
At gaya noon, muli ko na namang naramdaman ang sakit na dulot ng aking paglisan
Isa ka na lang matamis na alaala
Matamis na alaalang kay sarap balikbalikan
Bagama’t hindi na ikaw ang nagmamay-ari ng aking puso,
Ikaw at ikaw pa rin ang mananatiling inspirasyon ko sa aking mga akda.
Sana pag ang lahat sa akin ay maayos na,
Nawa ay magkita tayong muli
Hindi bilang dalawang taong nagmamahalan, kundi bilang matalik na magkaibigan
Namimiss kita ngunit nais ko munang ika’y manatili bilang isang matamis na alaala.