MUNTIK KA NANG NAGING AKIN

Minsan tinanong ako ng kaibigan ko,
Ano nga ba ang nagustuhan ko sa’yo?
Simple lang naman ang naging sagot ko
Sobrang masaya ako sa tuwing nasa piling mo.

Oo, naging masaya ako.

Ngunit lingid sa aking kaalaman
Kaligayahang iyon ay panandalian lang
Kapalit ng bawat ngiti’t tawang iyong hatid
Wagas na sakit at pait na aking nabatid.

BAKIT?

Isang tanong na pilit kong hinahanapan ng kasagutan
Ngunit hanggang ngayon ay di ko pa rin matagpuan
Ano bang meron sa kanya na wala sa’kin?
Para pagmamahal ko’y di mo mabigyang-pansin

Bago pa man humaba itong ating usapan,
Atin munang sasariwain at babalikan ang ating sinimulan
Daan-daang mga sandaling pinagsaluhan natin—
Mga panahong ika’y muntik nang naging akin.

Habang lumalalim na ang gabi
Lumapit ka sa’kin habang humihikbi
Tiningnan kita ng may malaking pagtataka
Sabi ko, “Ano bang nakain mo’t ikay nagdadrama?”

Ngunit parang musmos na batang iniwan ng ina
Patuloy ang iyong pag-iyak at akoy nag-alala
Sa kalauna’y ako’y iyong mahigpit na niyakap
Paghihiwalay niyo’y di mo pala matanggap.

Bilang isang kaibigan mo, ako ay nasaktan 
Habang pinagmasdan kang nakatingala sa kawalan
Sinikap kong maibsan ang nararamdaman mong lumbay
Ngunit ngiting naibibigay niya sa’yo ay walang makakapantay.

Mga araw, linggo at mga buwan ay lumipas na 
Minsan mga kwentuhan nati’y umaabot hanggang umaga
Loob nati’y sadyang naglapit at tayo’y mas nagkakilanlan
Hanggang sa di ko na maintindihan itong nararamdaman.

Di ko matukoy kung bakit presensya mo’y hanap-hanap ko na
Tila kulang ang araw ko pag hindi ka nakakausap at nakikita
Bawat pasimpleng hawak mo sa’king mga kamay 
Ay may hatid na kakaibang kuryenteng taglay.

Sa bawat sandaling magkasama’t magkakalapit tayo
Di ko mapigilan ang malakas na pagkabog ng aking puso
Kaba, pananabik, at saya— mga emosyong di ko maipaliwanag
Ano nga ba itong aking nadarama’t bakit di ko maipahayag?

Sa sobrang lapit nati’y di maiwasan ang mga matang nagtatanong
Anong relasyon nga ba ang sa atin ay nagdudugtong?
Ang mga ito ay pinagwalang bahala ko’t di pinansin
Basta’t masaya ako sa kung ano man ang namamagitan sa atin. 

Minsan ang iyong lambing ay tila nawawala na parang bula
Ni kausapin o pansinin man lang ako ay di mo magawa
Ang puso’t isip koy nagtatanong, “Ano nga bang nagawa kong mali?”
Hindi ako manghuhula, kaya kasaguta’y di ko mawari.

Minsan nama’y bumabalik ang iyong dating sigla
Sa aki’y muling nangungulit at naglalambing ka
Ako naman itong tanga, abot-tenga na naman ang ngiti
Kahit alam kong meron kang tinatago’t di sinasabi. 

Habang paulit-ulit ang ganitong komplikadong sitwasyon
Sari-saring mga duda ang nabuo sa aking imahinasyon.
Ang hirap palang magmahal ng taong di pa tapos magmahal ng iba,
Di ka na nga sigurado kung may patutunguhan kayo, nasasaktan ka pa.

Isang araw, nagkalakas-loob akong tanungin ka,“Ano ba talaga tayo?”
Ngumiti ka lang sa’kin, di ka umimik, at di makatingin nang diretso
Dun pa lang, alam ko na ang sagot mo, magkaibigan lang tayo.
Matagal ko nang alam yun, pero nagbulag-bulagan lang ako.

Pinilit kong magpakatatag at wag ipakita sayo ang aking tunay na nadarama
Ngunit di ko napigilan ang sunod-sunod na daloy nitong mga luha
Parang tinusok ng milyon-milyong karayom ang puso ko
Sa katotohanang kailanman ay hindi naman talaga magiging tayo.

Ngayo’y unti-unti na akong bumabangon, sayo ay sasabihin ko:
“Hindi ako nagsisisi at ika’y minahal ko, dahil sa piling mo
Mas nangingibabaw ang saya keysa sa sakit na naidulot mo.
At alam ko, ikaw ang kauna-unahang lalaking nagparamdam sa akin nito.”

Di ko magawang magalit sa’yo, sa di ko malaman na dahilan
Sa nangyari sa atin ako ay may mahalagang natutunan
Patuloy lang tayong magmamahal, di bale nang paulit-ulit pang masaktan
Sa tamang panahon, darating din ang taong sa atin ay nakalaan.
Exit mobile version