Nagsangang Landas

Ang mga yakap na nagmula sa hindi inaasahang pinanggalingan ay nagbigay ng kakaiba at panibagong sigla.

Ang init na sinimulang ipadama ay naghatid sa isang maligayang paglalakbay na ni sa talang buhay ay hindi naisip na magaganap.

Ngunit ang mga haplos na inasahang magiging habang-buhay na bahagi ng pagkatao ay unti-unting naglaho.

Malabo.

Nabitin.

Naiwan.

Naiwang mag-isa sa paglalakbay na sabay namang sinimulan.

Ang pangungulila sa ligayang dala ng paghawak sa kamay ay hindi napansing lumikha sa isang landas na binagtas nang nakatulala, naghahanap ng init na kahalintulad ng naranasan sa simula.

Isang landas na masalimuot na karugtong ng mapalad na daang nagdala sa’yo sa akin, hindi upang sa akin matagpuan ang nagpupusyong init na inaasam, kundi upang maging tulay sa isang taong sa tingin mo’y para sa iyo’y nakalaan na tunay.

Patungo na pala sa iba ang bitbit mong kulay.

Hindi sa akin.

Hindi sa atin.

Para na pala sa kanya.

Hindi ako.

Hindi tayo.

Kailangan nang gumising na ako’y lalakbay na nang mag-isa.

Ang landas ay nagsanga.

Ika’y dumaan na sa alam mong magbibigay ng saya.

Ako’y heto’t nakatanga.

Ngunit nararapat na magpatuloy.

Upang hindi maluoy.

Upang hindi malunod sa kumunoy.

At upang tamasahin ang iba pang ligaya ng buhay.

Maraming salamat sa yakap at mga akbay, noong tayo’y magkasama pang naglalakbay.

Paalam.

Leave a comment

Exit mobile version