Natatanging Solusyon

sa paglisan niya ikaw ay nanghihina’t nalulumbay
hindi makapaniwala at walang kamalay-malay
wala kang kasalanan pero ikaw ang nagdurusa
sa hapdis at kirot ng pusong sawi at lumuluha

sariwa pa ang nakaraan kung pa’no ka iniwan
gumugulo sa isipan, ‘di matanggap nang lubusan
pangalan pa lang niya iyo mo nang tinatalikuran
ngunit sa loob-loob mo’y gusto pa siyang balikan

nag-isip ng mga paraan at ika’y nagdesisyon
tanging pagbalik lamang niya ang natitirang solusyon
ngunit napagtanto na ‘di na maaaring mangyari
kaya sa bandang huli, ikaw pa rin ang naging sawi

sa pag-iral ng lungkot, umusad ang pagkabahala
hanggang humantong na sa puntong hindi na tumutugma
damdamin ay kinulong at sinara na nang tuluyan
paglapit ng bagong pag-ibig iyong nilalayuan

matatapos pa ba ang diliryong kinakaharap mo
kapag ikaw ay laging nagmumukmok at nagtatago
sa halip, muling hanapin ang nawawalang sarili
para tanggapin na ikaw ay naging malayang muli

By markanthony.rotor

(n.) isang inhinyero na biglang nabagot sa kanyang buhay kaya biglang naisipang gumawa ng mga tula

Leave a comment

Exit mobile version