May mga bagay na dapat panghawakan at may mga bagay ding dapat nating bitawan. Pero minsan kahit alam mong dapat ka nang bumitaw, dapat ka nang tumigil, dapat mo nang kalimutan, kahit pa alam mong mali, kahit pa alam mong bawal, di mo pa din mapigilang sumugal.
Ngunit dapat pa bang ipilit ang bagay na alam mong wala namang patutunguhan? Ang damdaming alam mong wala namang kabuluhan? Dapat pa bang ipaglaban kung alam mong pareho kayong masasaktan at mahihirapan.
Pareho tayong nagising at natauhan, Ngunit umalis ka ng di nagpapaalam. Naiintindihan ko kung bakit ayaw mo na, naiintindihan ko kung bakit sumuko ka. Masakit at mahirap man, pero naiintindihan ko kung bakit mo ko biglang iniwan.
Pero sana dumating ang panahon na muli tayong magkita. At sa pagkakataong iyon, Sana ay pareho na tayong masaya at malaya. Sa pagkakataong iyon, masabi man lang natin sa isa’t isa na Salamat.
Salamat sa mga ala- ala, Mga panahong wala tayong ginawa kundi tumawa upang kalimutan ang problema
Salamat sa pagsasama, Mga panahong sabay tayong sumaya at lumuha.
Salamat sa Pagpapalaya, sa ating mga pusong nakulong sa maling pagmamahal at maling pag-aakala.
Pag aakala na baka maaring pwede pa ipilit ang ating damdamin, na nambulag at nandaya sa atin.
Salamat sa iyo, at kahit di pwede ang “tayo” hanggang dulo, Natutunan ko na may tagumpay din pala sa pagsuko.