Pakiusap

Pakiusap.

 

Pakiusap na h’wag ka nang lumapit sa akin. H’wag mo nang tangkain pa. Sawa na akong umasa, masaktan at magmukhang tanga.

 

Pakiusap, h’wag mo na akong kausapin. H’wag na. Sawa na akong maniwala sa mga matatamis na salita na sa dulo ay wala namang gawa.

 

Pakiusap, h’wag mo na akong suyuin. Tama na. Ayokong masanay sa mga gawi mo na alam kong hindi naman magiging permanenteng mararanasan ko.

 

Tigilan mo na.

 

H’wag mo na akong kumustahin.

 

H’wag mo na akong sabihan ng salitang ingat, mga paalala na kumain ako sa tamang oras, mga paalala na h’wag akong magpapagod masyado at mamahinga.

 

Oo, hindi ako magsisinungaling.

 

Masarap ang lahat ng iyon sa pakiramdam pero alam kong hindi ko gugustuhing maramdaman ang kapalit ng mga salitang iyon kapag nagpatalo ako sa aking nararamdaman.

 

Kaya pakiusap lang.. tama na, lumayo ka na, umalis ka na lang. Iwanan mo ako hangga’t maaga pa, hangga’t kaya ko pa.

 

Pakiusap, sa iba mo na lang ibaling ang pansin mo dahil ayoko at hindi ko gustong makipagsapalaran sa hindi naman sa akin sigurado.

 

Hanggang d’yan ka na lang.

 

Wala akong panahon sa panandaliang kilig, sa matatamis na salita na mahipan lamang ng hangin ay nabubura, sa laro na gusto mong gawin na ako ang kasama.

 

Pakiusap.. ayoko talaga.

 

Marupok ako, alam ko naman iyon.. sa simpleng mga salita, sa simpleng mga kilos at gawa. Pero h’wag mo na sanang ipamukha pa sa akin.

 

Lumayo ka na lang..

 

H’wag mo nang ipakita na may pakielam ka sa akin, h’wag mo akong lituhin at h’wag mo akong linlangin.

 

H’wag kang manatili sa tabi ko sa mga panahon na kailangan ko ng karamay. H’wag, pakiusap lang. Dahil hindi iyon makakabuti para sa akin. H’wag kang gumawa ng mga bagay na bibigyan ko ng ibang pakahulugan, iisipin ko nang iisipin hanggang sa akin nang makatulugan.

 

H’wag kang maging masyadong mabait sa akin. H’wag kang ngingiti nang sobrang tamis. H’wag mong ipadama sa akin na espesyal ako.. ipakita mo na ordinaryo lang ako. Pakiusap, makinig ka sa akin. H’wag mo akong bigyan ng mga mixed signals na aakalain kong may gusto ka sa akin.

 

H’wag.

 

H’wag na h’wag mong bubuksan ang puso ko, lalo na kung ikakandado mo rin sa huli at itatapon ang susi nito. Maawa ka.

 

H’wag mong sindihan ang mitsa ng pag-ibig, kung sa dulo ay ako lamang ang maiiwan na umiibig.

 

H’wag..

 

Pakiusap.

 

H’wag mong laruin ang apoy na tutupok sa aking kabuuan at pagkatao gayong alam ko namang hindi mo intensyon na tumambay, hindi ka mananatili at saglit ka lang na dadaan.

 

Pakiusap..

 

Maging totoong lalaki ka sana..

 

Hindi isang paasa na natutuwang makasakit nang damdamin ng iba.

 

Maging totoong lalaki ka sana at hayaan mo akong matagpuan sa aking sarili ang saya at pagmamahal na aking hanap.

 

Maging totoong lalaki ka sana at h’wag akong paasahin sa mga bagay na alam kong may hangganan.

 

Maging totoong lalaki ka sana, para sa iba.. dahil alam kong hindi ka naman itinalaga para sa akin.

 

Magiging totoong lalaki ka sana at hayaan mo na ako.. hindi mo alam kung gaano ba kahirap para sa akin na magtayo nang napakataas at napakakapal na pader para lamang hindi ako masaktan at maprotektahan ang sarili ko.

 

Wala kang alam.. at alam kong hindi mo ako naiintindihan.. kaya huling pakiusap lang..

 

H’wag mo na sanang pahirapin pa ang mga bagay para sa akin..

 

H’wag mo akong palasapin at bigyan nang masasayang sandali na sa hinaharap ay aking iindahin at babaunin.. mga masakit na sugat na hindi ko alam kung paano nga ba hihilumin.. mga alaalang hindi na mauulit pa at mananatili na lamang sa nakaraan.. dahil sa salitang ‘hanggang doon na lang.’

 

Kung hindi mo magagawa at hindi ka magiging tunay na lalaki..

 

Siguro..

 

Mas mabuti na ako na lamang ang magpapakalalaki.

 

Ako ang lalayo, ako ang aalis.

 

H’wag mo na akong sundan pa o hanapin.

 

Dumistansya ka sa akin.

 

Hindi dahil sa ayoko sa’yo mismo o hindi kita gusto..

 

Kundi dahil ayoko talaga..

 

Ayokong mapalapit sa iyo..

 

Ayokong mahulog sa isang taong alam kong sa una hanggang huli ay paglalaruan lamang ang nararamdaman at damdamin ko.

 

Ayoko.

 

Hindi ako bagay..

 

Dahil tao ako.

 

Exit mobile version