Palaruan

Palaruan.

Tanda ko pa ang sabay nating pagtakbo. Paunahan sa palaruang ating kinagisnan.
Kasabay ng pagduyan sa masasayang alaala. Ay ang paglukso sa nakaraan na pilit kong binabalikan.

Uumpisahan ko sa paburito nating tambayan..

Ang pagtulak mo sa akin kahit gaano kalakas.
Ako ay lubos na kakapit kahit na madulas.
Kakapit kahit takot na sa pagbungad ng hangin. Kakapit kahit parang babaliktad na ang tingin sa tanawin.

Sapagkat ang pagtigil ng pagtulak mo ay hudyat ng iyong pagbitaw. Ang simula ng hakbang mong papalayo hanggang sa di na kita matanaw.

Sana naayos ko pa.
Sana mas nakita ko ang pagod mong kamay sa pagtulak. Ang ngalay mong paa sa pananatiling nakatayo. Ang pag abang mong bumalik ako. Upang maiduyan sa saya na dulot ng presensya mo.

Sana… Nalabanan ko ang takot sa mga hangin ng pagsubok. Nalabanan ang lula sa himpapawid na puno ng lungkot.

At sana… naalala kong kasama kita sa paglalaro.

Mahulog man ako’y tatawanan ng panandalian. Ngunit kamay ay nakaabang upang aking kapitan. Tutulungang makatayo sa putik ng kahihiyan. Maging sa mundong walang pakialam kahit ako’y masaktan.

Kaya kaibigan, patawad sa mga panahong nagdaan. Na ang bawat pagduyan mo’y hindi ko nasabayan. Nang hindi kita nasalo sa padulasan. At bigla kang nasugatan nang hindi ko nalalaman. Hindi ko alam ang sakit na iyong pinagdaanan.

Hindi ko alam na kailangan mo rin akong umupo sa dulo ng lawin-lawinan para ikaw ay samahan. Balansehin ang saya, lungkot at pagkadismaya sa mundong ating ginagalawan.

Kaya patawad.
Sa hindi ko pag upo upang itaas ka sa mga bagay na hinihila ka pababa. Sa pagwawalang bahala sa mga sugatan mong binti, kamay at paa. Sa hindi ko pagpaparamdam kung gaano ka kahalaga. Sa hindi ko pagsabi na angat ka sa iba. Sa hindi ko man lang pag bigkas ng “Salamat at kalaro kita”.

Kaya salamat.
Sa minsang pagduyan ng walang sawa. Sa pag upo sa dulo ng lawin-lawinan upang balansehin ang saya, lungkot at pagkadismaya. Sa pagtawa sa aking mga kamalian kasabay nang pag abot ng iyong kamay upang ako’y tulungan. Sa pag abang sa dulo ng padulasan upang sa pagbaba ay di ako mapilayan. Salamat sa alaalang parang kahapon lamang.

Kaya aaminin kong nagkulang ako. Kulang sa alalay bilang kalaro. Kaya noong pumikit ako at bumilang hanggang sampu. Hinanap kita ngunit wala ka na sa palaruan.

Kaya lumabas ako upang hanapin ka. Ngunit paglabas ko ay parang di mo na ko kilala. Marahil..Naghanap ka na ng mas mabuting kaibigan. Marahil… Nakahanap ka na ng mas mabuting kalaro.

Exit mobile version