PEDRO

Nagtatanong sa aking sarili,
Sa Iyong pagtawag sa akin,
Ako’y sapat ba?
Karapat-dapat nga ba?
Nalulugod ba Kita?
Malakas ng bugso ng bagyo,
lakas na hanging tumatangay sa damdamin,
Nagtatanong sa aking sarili,
Talaga bang nandiyan Ka?
Kasama ba Kita?
Kung minsa’y naiisip,
Sa lahat ng kasalanan at pagkukulang,
Ako ba’y mahal Mo pa?
Isip Mo ba’y nabago na?
Ako ba’y tanggap Mo pa?
Ngunit banayad na tinig Mo’y narinig,
Sa ibabaw ng malakas na bugso ng bagyo,
Lakas ng hanging tumangay sa damdami’y pinahinto,
Pagdududa, Pangamba at takot ay naglaho,
Pinalitan ng pagtitiwala sa Iyong salita at kapayapaang sa Iyo nagmumula.
Pagmamahal Mo nga’y di ko kayang higitan,
Kahit ang mga salitang nalalaman,
Di aabot sa Iyong kaluwalhatian.
Magtugma man ang mga lirikong binibitiwan,
Di pa rin sapat sa Iyong kadakilaan.
Ang Iyong pagtawag, pagpili at pangako sa akin,
Ang nag-alis ng pagdududa, pangamba at takot sa aking damdamin.
Ang awa, biyaya at salita Mo,
Ang laging panghahawakan ko.
Tunay na walang papantay sa’Yo.
Di mo nais ang mga handog,
Di nalulugod sa haing sinunog,
Kaya ang aking handog,
O Diyos na karapat-dapat
Ay ang pakumbaba’t pusong mapagtapat.
Exit mobile version