Naranasan mo na ba?
Yung pinili mo siya,
pero iba ang pinili niya?
Ang sakit di ba? Nakakaselos talaga!
Yung ang sakit sakit na,pero dahil mahal mo siya,
bibigyan mo siya ng kalayaang gawin ang gusto niya?
Ang sakit di ba? Nakakaselos talaga!
Yung tipong ginawa mo naman ang lahat ng gusto niya,
pero patuloy ka niyang binabalewala, at ang kagustuhan niya ang kanyang ginagawa, kahit alam naman niyang ito ay ‘di tama.
Ang sakit di ba? Nakakaselos talaga!
Yun bang ang direksyon ng iyong mga mata ay sa kanya,
ngunit iba pa rin ang tinatanaw niya.
Ang sakit di ba?
Nakakaselos talaga!
Yun bang kapag nasasaktan siya dahil sa mali niyang desisyon,
handa ka pa ring sumaklolo, tumulong at lumingon, na para bang walang nangyareng pang.iiwan sa ere, kasi nga mahal mo.
Ang sakit di ba? Nakakaselos talaga!
Ang sakit di ba?
Ganyan din ang pakiramdam ng Una mong Pag-Ibig nung mas pinili mo ang iba higit sa Kanya,
kaya pagnilay-nilayan mo ito,
baka ikaw din ang tinutukoy sa istoryang ito.
Yung pinili Ka niya, pero mas pinili mo ang iba.
Yan ang Una mong Pag-Ibig.
Yung ang sakit sakit na sa loob Niya dahil sa dami na ng kasalanang iyong ginawa na nagpapahiwalay sa inyong dalawa, pero kasi ikaw ay malaya, binigyan ng kalayaang piliin ang kung ano ang gusto o nais mo.
Ngunit tandaan mo, hindi lahat ng gusto mo ay kailangan mo at makabubuti para sayo. Yan ang Una mong Pag-Ibig.
Yung lagi Siyang nakatingin sa’yo, hinihintay kung mapapansin mo,
ang pagmamahal na higit pa sa hinihiling at inaasahan mo,
na lagi mong hinahanap sa kapwa mo likha. Na sa paghahanap mo ay di mo na nakita, na ang Dakilang Lumikha ang Tunay, Wagas, at Unang Pag-ibig,
dahil walang makapapantay sa pagmamahal Niya na handang mamatay para sa iyong kalayaan.
Yan ang Una mong Pag-Ibig.
Yung tipong dugo na ang tumulo nung Siya ay dumaing at nanalangin.
Kinausap, nakiusap sa Amang nasa Langit,
na kung maari ay di na pagdaan,
di na pasanin ang mga kasalanan na kung tutuusin ay di naman Siya ang may kagagawan, upang ikaw ay di na masaktan.
Bitbitin ang kaparusahang dapat sana ay ikaw ang pumasan.
Tiniis Niyang lahat ng yan, tapos iniwan mo lang Siya sa ere, na para bang walang nangyare. Yan ang Una mong Pag-Ibig.
Yung nagpakapako Siya sa krus ng kalbaryo para mapansin at makita mo.
Dugo Niya ay tumulo, naubos, natuyo.
Ang magwala ay di Niya ginawa, ni walang salitang binitawan nung Siya’y pinahirapan,
pero Siya’y patuloy mong binabalewala at sarili mong kagustuhan ang patuloy mong kasiyahan.
Yan ang Una mong Pag-Ibig.
Kung nasaktan ka na dahil naramdaman mong ikaw ay binalewala,
nagselos ka dahil hindi ikaw ang inuuna?
Ano pa kaya ang nararamdaman ng Una mong Pag-Ibig nung nalaman mo na ang katotohanan, pero mas pinili mong sa Kanya ay lumayo at lumisan?
Tanong lang, naisip mo din ba ang naramdaman Niya nung mas pinili mo ang iba higit sa Kanya?
Balik ka na. hinihintay ka na ng Una mong Pag-ibig.
Pahayag 2:4-5 “Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: ang pag-ibig mo noong una kang sumampalataya ay nanlalamig na. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan.”