Sa ngayon, ako muna

Alam ko masarap na may kahawakan ng kamay tuwing naglalakad. Masarap sa pakiramdam na mayroon kang mapakilala sa mga kaibigan mo. May taga hatid at sundo ka. May kasabay ka maglunch o magdinner. May litrato kang malalagay sa social media accounts mo. Ang sarap sa pakiramdam na may nagbubuhat ng bag mo, may kausap ka palagi, may nagtatanong sa ‘yo kung ayos ka lang ba o anong nararamdaman mo.

 

Kaya naman madaliin kung gusto talaga, pero sa ngayon, ako muna.

 

Gusto ko muna matutunan mahalin sarili ko bago ako magbigay ng pagmamahal sa iba. Gusto ko muna matutunan sumaya kahit ako lang mag-isa. Ako muna, sarili ko muna. Dahil kung hindi, mauubos ako hanggang sa wala na ako maibigay sa ‘yo.

 

Gusto ko muna matutunan maging matapang. Para kung sakaling iwan man ako ng maling tao, kakayanin ko. Gusto ko muna makita at mahanap yung lakas ko. Ako muna, sarili ko muna. Dahil kung hindi, mababaw lang ang ikababagsak ko.

 

Gusto ko muna matutunan pagsilbihan sarili ko. Alagaan sarili ko. Gusto ko kapag nandyan ka na, okay ako. Buo ako. Ako muna, sarili ko muna. Dahil kung hindi, parehas tayong basag na nag-aaksaya ng oras kakabuo sa isa’t-isa.

 

Ako muna, bago tayo.

 

Susulitin ko muna ang mga bagay na hindi ko na magagawa kapag nandyan ka na. Lulubusin ko muna kung nasaan ako ngayon at hindi ako magmamadaling tumakbo palapit sa ‘yo. Dahil alam ko, nariyan ka lang sa tabi-tabi.

 

Hindi man kita makita, hindi man kita makausap, hindi man kita mahawakan, hindi man kita kilala. Ayos lang.

 

Dahil alam ko, sa ngayon, ikaw rin lang muna.

Exit mobile version