Sa Pagitan ng Pahiram at Paalam

Pahiram ng sandali nating dalawa
Kung saan tayo’y masaya, sa mga kwento’t mumunting patawa
Sa mga di namalayang oras habang tayo’y magkasama
At sa mga pangarap na inabot nating dalawa

Sa minsang inis at galit nating pinakita
Sa makailang ulit na tampuhang pinagpasahan
Sa lungkot at hikbi na pilit kinubli
At sa mga alinlanga’t pagsubok na nalampasan

Huwag kang mag alala at isosoli ko rin agad
Tutal saglit lang yung pagitan ng ako at ikaw
Sinubukan ko lang balikan, kinaya ko namang bitawan
Humakbang ako palayo,paiwas, unti-unti at dahan-dahan

Hindi ko na kailangang pang magpaliwanag
Andyan ka sa iyong mundo, andito naman ako sa pagitan
Marahil kailangan magparaya, siguro kailangan din lumaya
Kaya salamat sa parte ng kahapon, ngayon at bukas

Kailangan na lang isalin sa salitang parehas alam natin
Idaan sa manipis na tinig, sa bulong, o sa hangin
Sa isang hinagap ng ako at ikaw na nilaan
Hanggang dito na lang. Paalam.

Exit mobile version