Saan nagsimulang magbago ang lahat?

An open letter kay ex-jowa na napagod,
Pagmamay-ari mo na ang malaking parte sa aking puso, at wala na makakapag-bago nito. Sa nagdaan na mga taon, naging pinaka-masaya akong babae sa piling mo. Tinanggap natin ang bawat isa kahit na alam natin na wala pa tayong kayang mapatunayan, pero sabi mo, magkakampi tayo at walang iwanan hanggang dulo.
 
Sa nakalipas na taon, naramdaman ko ang klase ng pagtanggap na hindi ko kailan man naranasan kahit kanino, pinaramdam mo sakin na ako lang at wala nang iba pa. Inalagaan mo ako, minahal at iningatan. Pinaglaban natin yung pagmamahal na alam natin. Umikot ang mundo natin sa isa’t-isa, naging magkakampi tayo sa lahat ng pagsubok at problema na dumaan. Hindi mo ako iniwan, nagbigayan tayo. Masaya tayo kahit walang-wala na tayo, kahit na ang tingin ng mundo satin ay iba. Dinamayan mo ako, at humugot tayo ng lakas sa isa’t-isa.
 
Sa paglipas ng panahon, unti unting nagbago.. Saan nagsimulang magbago? Pero bakit?
 
Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko kung bakit? Maraming akong naging pagkukulang at pagkakamali, oo alam ko. Pareho tayo, pero pinakita ko sayo na handa akong baguhin lahat para sayo. Kahit mahirap, kahit nakakapagod hindi ako agad sumuko. Dahil pinanghahawakan ko ang sinabi mo sakin na “walang iwanan”. Hindi kita iniwanan. 
 
Sa kabila ng lahat ng palitan ng masasakit na salita, sa lahat ng hirap at sa lahat ng gulo na dumaan para sirain tayo, paulit-ulit ko paring pinagdarasal na sana maayos pa, na maibalik pa. Hindi madaling magpatawad, lahat ng bigat pinasan ko kahit mag-isa. Sa lahat ng galit na nabuo sa puso ko para tuluyan na akong maging matigas, pinipili ko paring mahalin ka dahil may paraan ka para maipakita ang pagmamahal mo at doon ako tumingin.
 
Pinipili kita paulit-ulit sa kabila ng bigat, sakit at galit dahil alam ko mas matimbang ka sa nararamdaman ko. Hindi ko maisip ang sarili ko na bubuoin ko ang pangarap na iba ang kasama, dahil ikaw lang ang gusto ko kasama mangarap at walang nang iba pa. Maraming mas malalim na dahilan kung bakit ikaw lang at hindi ko magawang tumingin sa iba, at marahil dahil alam kong sa iyo parin ako magiging masaya.
 
Baka hindi ko na maramdaman ang pagmamahal dahil tumigas ang puso ko, pero alam ko at hindi ko nakakalimutan na mahal kita. Nagpatong-patong lang lahat ng bigat ng mundo. Kaya sana patawarin mo ako. Pero huli na ang lahat. Tuluyan ka naring napagod sa akin. Kasalanan ko dahil masyado akong naging panatag na wala talagang iwanan. Gusto ko lang malaman mo, na nandito lang ako, kahit anong mangyari.
Kailangan kong tanggapin na tayo ay hindi para sa isa’t-isa. Na ikaw ay dumaan lang sa buhay ko para ako ay may matutunan. Paulit-ulit kong babalikan lahat ng masasaya nating ala-ala at patuloy kong kalilimutan lahat ng masasakit na nangyari sa ating dalawa. Ikaw ang pinakapaborito kong libro na paulit-ulit kong babasahin, kahit na alam ko na ang katapusan. Mahal na mahal kita. Baka sa ibang buhay, pwede na tayo. Hanggang sa muli, Mahal.
Exit mobile version