Walang Pamagat

Nalilito ako.
Nakakapanibago.
Nakakatakot na parang gusto ko
Parang gusto ko kahit di ako sigurado.

Nalilito ako.
Kagaya nang di ko alam kung ang kinakatha ko ba ay tula, tulang may malayang taludturan na kapareho nang di ko maipaliwanag na nararamdaman, na magkahalong takot at saya sa tuwing kausap ka.

Oo siguro, dahil malabo namang maging isa itong tugma na bilang ang bawat pantig at may parehong tunog ang bawat huling salita. Ayokong maging tugmaan na kailangan ko pang pag-isipan ang babagay na titik at letra dahil ang tanging gusto ko lang naman ay maging malaya, malayang mailarawan ang pakiramdam na di ko maintindihan.

Pero baka hindi ito isang tula.
Baka ang nais ko’y kumatha ng nobela para maisalaysay ko kung panu nag-umpisa at magtatapos ang kwento nating dalwa.
Pero teka.
May mali!
Wala pa pala tayo sa umpisa.

Hindi ko alam kung panu ko sisimulan
Ni hindi ko nga sigurado kung may dapat akong umpisahan.
Oo magulo.
Di ko mahagilap ang tamang salita para maipaunawa kung ano itong kakaibang pakiramdan na nagpapalito sa utak kong magulo na’y lalo pang gumugulo dahil di ko alam ang tawag sa nararamdaman ko.

Ni hindi ko alam ang tema kung ito ba’y malungkot o masaya, nakakatakot pero gustong-gusto kong malaman ang kahihinatnan nitong piyesa kong di ko alam kung panu simulan. Parang IKAW na gustong-gusto kong maging akin pero ayaw kong sugalan.

Siguro. Baka walang tamang salita para sa pusong gustong sumubok pero hindi pagbigyan ng tadhana, tinututulan nang utak dahil ang sabi nito’y hindi pa handa.

At siguro nga hindi ito isang tula na nangangailangan ng tugma o isang nobela na dapat may pamagat, may simula at meron ding wakas. Oo hindi ko alam ang tawag dito kagaya ng di ko alam ang tawag sa pakiramdam na paulit-ulit na takot at sayang dulot ng masaya nating kwentuhan.

Baka isa itong liham para sayo o baka para sa sarili ko. Alam kong nakakalito. Ang bawat salita ay parang walang saysay, ang bawat titik na ginamit ay parang di sigurado. Hindi alam kung para saan o kung may patutunguhan. Oo. Nakakalito. Nalilito ako.

At sa huli napagtanto kong hindi ito isang sulat para sayo, o isang nobela o isang tula na kagaya nang akala ko sa unang talata. Ito pala’y ako mismo at kung ano ang nararamdaman ko para sa’yo. Hindi ko alam ang tawag pero men,ito yun mismo!

Nalilito ako.
Nakakapanibago.
Nakakatakot na parang gusto ko
Parang gusto ko kahit di ako sigurado.

Exit mobile version