Nang aking pinagmamasdan ang pagtirik ng araw
Batid nito ay sinag at maaliwalas na kwento
Kwentong magpagpahayag sa lumang kong litrato
Suot natin ang unipormeng puti at magkatabi tayo
Larawang kupas hatid ay alaala noong magkasama pa tayo
Musmos at inosente itong aking pg-iisip ngunit may kirot
Kirot na hindi maipaliwanag sa bawat kasama mo siya
Ako ay biglang nalulungkot na masaya ka sa kanya
Sa kanya mo natagpuan ang saya sa pag-lalaro ng jolen
Sa tumbang preso, Chinese garter at sa paglipad ng piks
Noong ako’y inimbitahan mong maglaro sa grupo
Itong aking kamay na punong puno ng goma hanggang braso
Hindi batid ang init at pawis sa sahig sa may entamblado
Kamay ko’y nakataob at matang agila sa laro nating goma
Sa aking bulsa ay isang kahon ng pusporo na bahay ng gagamba
Pinaglalaban na mapaon ang kalaban na mukha ni vegeta
Sa paghabulan natin sa buong eskwelahan na walang katapusan
Walang katapusan na dulot itong ating pag-ukit ng ating nakaraan
Nagpatuloy pa rin ito sa larong tagu-taguan na ako’y laging taya
Hinahanap kita sa buong silid-aralan ngunit ika’y nakatago sa kanya
Pilit ko mang hanapin ka pero mailap ka na tulad ng tadhana
Tadhanang bumuo sa ating pagkakaibigan na lagi mong kasama
Kasama mo ako sa pagtulo ng mga luha mo’y nasasaktan
na biglang mong naapakan ang matulis na pako sa likuran
Hinatid kita sa inyo ngunit hinabol pa ako ng aso sa inyong bakuran
Na tila ako’y parang buto na tumatakbo takbong kinakabahan
Lunes ng umaga sa eskwelahan ay hinanap kita sa madaming madla
Kantang Lupang Hinirang hanggang sa Zamboanga Hermosa
Natapos na lang ang flag ceremony pero hindi pa rin kita makita
Dala dala’y itong rosas na ipinitas ko lamang kina Aling Rita
Nagsimula na ang ating klase at ang iyong upuan ay bakante
Tinawag ang aking pangalan at ang pangalan mo ay ako’y kampante
Na darating ka sa ano mang oras at ngigitian mo ako
Sa ngiti mo lang ay sadyang nagpapalakas ng aking puso
Nakadungaw sa bintana na ang isip ko ay tila’y walang laya
Malayang makapaglaro sa iyo kapag andito ka sa tabi ko
Guro ko ay paulit ulit na tinatawag ang aking atensyon
Atensyong wala sa kanya ngunit para lang sa iyo
Nang tumunog na ang bell para lahat maka-recess
Mga mag-aaral ay nagtutulakan para malawa ang stress
Ngunit ako’y nasa tabi bitbit ang rosas at mga gomang nasa braso
Pinagmamasdan ang gagamba na natutulog sa kahong pusporo
Nakipaglaro ako sa ibang mga bata pero hindo kasing sigla sayo
Sayo ko unang nadama ang amoy ng iyong pagkatao
Sayo ko rin natutunan kung paano manalo at matalo
Kahit minsan madaya ka dahil pinagbigbigyan lamang kita
Lumipas na ang mga araw at lumipas na rin ang mga linggo
Wala akong makasama na tulad mo sa paglalaro
Ng mga tumbang preso, jolen, Chinese garter, at goma
Na kahit na madumihan at maamoy araw na tayo okay lang
Dahil sa mga mata mo’y mga bituing kumiskislap sa langit
Ang ngiti mo ay siyang ganda na nakasabit sa langit
At ang amoy mo ay siyang hanging humahaplos sa aking damit
Pangalan mo ay siyang prinsensa na nais kong makamit
Hanngang pinasyang kong maglakad at pumunta sa inyo
Bahala na tahulin at habulin ako ng iyong mga aso
Para lamang makita at imbitahan kang makipaglaro
Dala dala ito mga jolen, goma at kahong pusporo
Pagdating ko sa inyo ay may malaking bughaw na trapal
Na nagsilbing proteksyon sa pumapatak na ulan
Ngunit may mga tao sa inyo na tila may salo-salo
Malayo pa ata ang pagdiriwang ng kaarawan mo
Itinago ko para hindi mabasa ang kahon ng gagamba
Ngunit sa aking pagpatuloy sa paglalakad ay may pangamba
Nararamdaman ang lungkot sa kanilang mga mata
Mga matang nais ipabatid sa akin, ano nga ba mga ito?
Mga ilaw, mga bulaklak nakadisenyo sa isang sulok
May nakasabit na krus sa gitna ng isang puting kahon
Mga tunog na inaawit ng iba at pamaypay na dala ng iba
Isang munting larawan nakapatong sa mahabang tabla
Habang suot ko pa ang aking puting uniporme sa ilalim ng ulan
Sa pagbuhos ng ulan ay siyang pagbuhos ng mga luha ko
Hindi maipaliwanag kung bakit ko ito nararamdaman
Dahil sa matalik kong kaibigan ay siyang pamamaalam
Nang aking pinagmamasdan ang pagtirik ng araw
Batid nito ay sinag at maaliwalas na kwento
Kwentong magpagpahayag sa lumang kong litrato
Suot natin ang unipormeng puti at magkatabi tayo
Larawang kupas hatid ay alaala noong magkasama pa tayo