Bumalik ako sa dating tagpuan, kung saan
Inamin kong gusto na kitang makilala ng tuluyan.
Tahimik ang mga kuliglig ngunit
Patuloy pa rin ang pagkinang ng mga tala sa langit.
Malinaw pa rin ang batis, at nakatayo pa rin ang puno
Kung saan ko inukit ang pangalan ko, katabi ng pangalan mo.
Naaalala ko na sobrang saya ko noon
Dahil dumating na ang tamang panahon
Para palayain ang puso ko at hayaan itong umibig muli
Dahil alam kong sa iyo, wala nang pasubali at bakasakali;
Dahil sa wakas, nakilala ko na ang siyang iibig sa akin ng wagas.
Pero nagwakas.
Hindi dahil sa iniwan mo ako.
Alam kong ako ang unang lumayo.
Siguro kasi hindi pa rin ako naniniwala
Na mahal mo ako talaga.
Sabi kasi nila, ang kalahatan ko ay hindi sapat
Para mahalin mo ng tapat.
Sabi kasi nila, hindi ako nararapat
Dahil hindi ko ginagawa ang dapat.
Sabi kasi nila, kulang na ako’y maghirap
Para makamtan ang pagibig mong laging pinapangarap.
Sino ba naman ang magmamahal sa akin, di ba?
Sino ba naman ang matinong pipiliin ako kung marami naman diyang iba?
Sino ba naman ang magkakagusto sa akin na hindi alam ang sarili niyang halaga?
At sino ba naman ako, para pagdudahan ka?
Umihip ang hangin.
Ipinikit ko ang aking mga mata at narinig ang lagitik ng mga sanga
Kasabay ng kaluskos ng mga dahon at nakabalik ako sa panahon
Kung saan ikaw mismo ang humawak sa aking mga kamay
Na mistulang hindi sanay
Na tumanggap ng lambing na hindi hinihingi.
At naalala ko na ikaw ang nagsara sa distansya nating dalawa.
Ikaw ang bumaba.
Ikaw ang lumapit.
Ikaw ang hindi nagkait.
At doon ko na napagtanto:
Hindi sapat ang maingay na kasinungalingan ng mundo
Para lunurin ang katotohanan na mahal mo ako.
Na mahalaga ako sa paningin mo.
Na ikaw mismo ang nagligtas sa akin mula sa sarili ko.
Humupa ang kaguluhan sa aking isipan
At pinuno mo ang puso ko ng iyong kapayapaan.
“Kung nasaan ka, nandoon din ako,” bulong mo.
“Mahal kita, at kailanman, hindi ako lilisan sa tabi mo.”
Current Article: