Dampa

O minsang giliw ako sa ay nasa labas, kaya’t dumungaw ka sana mula sa durungawan,

Mayroon lang naman akong hinahanap, ikaw ang nais kong  pagtanungan,

Dito ako ang huling nanggaling kaya at alam kong ikaw ang may nalalaman,

Kung nasaan ba ang aking baro at saping pampaa sapagkat may nais pa akong puntahan.

 

Pang-ilang buwan na rin na ganito ang aking palaging bukambibig mula sa inyong bakuran,

At tila wala pa ring nakikinig sa loob kahit batid ang ilaw sa iyong tahanan,

Gusto ko lamang naman makuha ang aking baro’t tsinelas na sa loob ay naiwanan,

Sapagkat di makasilong sa ibang mga bubong dahil nakakahiyang ganito ako nilang dadatnan,

 

Minsan ay nagsubok ding kumatok at manuyo sa lilim ng isa sa likod ng kanyang pintuan,

Ngunit dahil alam ang hitsura ay muli ako ang nagtungo sa inyong harapan,

Kailangan ko ng may may maisusuot sapagkat sino ba ang tumatangap sa isang hubad barong nilalang,

Kaya ganito na rin lamang ang panata na manatili sa inyong hardin, sana’y maintidihan.

 

Kung sana lamang ay inabot mo ang mga ito noong ako ay pinalabas mo sa inyo ng tuluyan,

Alam kong hindi ko ito naihandang dalahin ngunit ito ba ay aking kasalanan,

Ni hindi ko nga alam kung bakit ako ay iyong tinaboy ng wala man lang paalam,

Sana ay maisip rin kung ano ang maiisip ng iyong bisita kung ito ay kanilang madadatnan.

 

Kaya naman sana ay maisipan mo ng ito ay ibalik sa akin para sa ating pakinabang,

Para sa akin ng ako ay makaalis na, at ikaw para makatanggap ng bagong manunuluyan,

Huwag nating ipagkait sa isa’t isa ang ganda na maaring ibigay ng hinaharap na kaganapan.

Dating sinta’t giliw, gagawin na ang parating hinihindian, kakatok na ako, sana ay pagbuksan.

Exit mobile version