Eroplanong Papel

Paano nga ba mapupunan ang mga salita at talatang pilit binura ng panahon at pagkakataon?

Panahon na tila’y kahapon lang na kumakaway upang makasama pa rin sa ngayon. Ang ngayon nama’y nagpupumilit kumawala sa nakaraan.

Ngayon na ang mga paang dati’y pagal, natuto nang tumayo at maglakad. Malayo na ang narating mula noong naglaon.

Ang mga matang binasa ng luha ay natuyo. Mga sugat ay unti-unting naghilom. Ang mga salita’y napalitan na may kalakip na bagong pag-asa.

Tila isang espadang pinanday ng mga pagsubok upang maging matibay. Natuto na sa mahabang paglalakbay.

Ngunit ang mga salitang sinulat sa eroplanong papel na pinalipad at tinangay ng panahon ay muling nagbabalik.

Mga salitang pilit na binaon sa limot. Bumalik ang alaala ng kahapon. Napatanong ako sa aking sarili, “sasaluhin ko ba ang eroplanong papel na naglagalag ng malayo?”

Nagulumihanan at natakot. Hinanap ang mga sagot. Wala na ba o meron pa ba? Tumakbo at lumayo ngunit may mga kulang na letra.

Ako’y tumingala at nagdasal habang pinagmamasdan ko ang eroplanong papel na tinatangay palapit sa akin. Dahan-dahan akong naglakad kasabay ng pagpatak ng aking mga luha.

Hindi ko alam kung tama ba ang aking desisyon. Maaaring tingin mo saki’y hibang dahil hindi ko sya sinalo na paulit-ulit na nagbabalik.

Ako naman. Pipiliin ko na ang sarili ko. Pinapalaya na kita kung kaya’t lumipad ka ng matayog.

Kasabay ng pag-ihip ng hangin, ibinulong ko ang aking panalangin. Sana’y ikaw din ay muling maghilom.

Magpapatuloy sa paglalakbay at ‘di na muling lilingon. Uusad at babangon.

Minsan, kailangan muna nating mabigo upang muling mabuo. Mabubuong muli ng Panginoon.

Hahayaan kong si Hesus na ang magsulat ng aking istorya.

Tangan ko na ang aking puso. Iingatan ko na ito.

Exit mobile version