HANGGANG SA HULING TINTA NG AKING PLUMA

“HANGGANG SA HULING TINTA NG AKING PLUMA”

Susulat ako hanggang ang ating mga wika ay magtugma
Susulat ako kahit maubos man ang aking mga salita
Susulat ako hanggang sa ika’y mapahanga
Hindi ako mapapagod sumulat ng tula

Noon pa ma’y ikaw na ang laman ng istorya sa aking mga tula
Noon pa ma’y ikaw na ang para sa aki’y pinakamagandang likha
Na sa twing ika’y mamasdan hindi maitago ang ngiting pumipinta sa aking mukha
At ang mga salita ay nag-uunahan para lang ika’y mailarawan

Lubos akong natuwa nung nalaman kong sumusulat ka narin ng tula
Pero bakit sa bawat titik ng bawat salita ay ramdam ang pait na mamumuo sa iyong tula?
Hanggang nalaman kong nawalan ka na ng gana at gustong tapusin ang iyong istorya

Pakiusap wag mo munang tuldukan ang iyong istorya
Hayaan mong Ako ang humawak ng iyong pluma
Narito Ako, handang pasiyahin ang istorya
Kaya kong ibahin ang malungkot mong obra

Hayaan mong Ako ang sumulat para sayo
Ako, na sa umpisa palang ang sumusulat ng iyong kwento
Ako, ang naghanda ng bawat pahina ng iyong libro
Ako, ang nagtakda ng plumang sa iyong papel ay dadapo

Hayaan mong ang mundo’y basahin ka na parang isang libro
Hayaan mong buklatin nila ang bawat pahina mo
At kung masira ka man nila, hwag kang matakot kaya kong paghilumin ang punit na kanilang likha

Huwag kang mag-alala, puso’t isipa’y ikalma
Ako ang may-ari ng pluma
Ako ang may kontrol ng bawat tinta
Ako ang may akda ng iyong istorya

Ako ang lumikha ng simula at
Ako ang tatapos sa lahat ng sigwa
Ako ang may likha ng sanlibutan
Ako ang sumulat ng lunas para paghilumin ang puso mong sugatan
Ako ang sumulat ng pangako habang nakadipa ang mga kamay
Ako ang sumulat ng pag-ibig habang sa kahoy ay nakasabit

Igihut kita sa aking palad, sana’y di mo makalimutan ang pag ibig kong lahad
Iniukit kita sa aking puso, kasama ang tapat na pangako
Pako, ang nagsilbing pluma
At dugo ang aking naging tinta

Buburahin ko lahat ng iyong alinlangan
Tatanggalin ko lahat ng sakit sa iyong nakaraan
Isusulat kong paulit-ulit na mahal kita at sa akin ay labis kang mahalaga
Hindi ako magsasawang mag alay saiyo ng tula
Hanggang sa huling tinta ng aking pluma.

Published
Categorized as Poetry

By Bela

Almost a writer. I write what I can't tell. I'm an artist, I draw through my words.

Exit mobile version