Hapil na Dasal
Categories Adulting

Hapil na Dasal

Sa likod ng ingay ng mundong magulo,
Tila lumalaban sa daloy ng kapalaran ang pintig ng puso
Ang dating samahan, ngayon ay anino.
Mga kabarkada, nasaan na kayo?

Ang bawat tawa’y tila alon sa dalampasigan,
Sumasabay sa hangin, walang alinlangan.
Mga kwento’t lihim na ating ibinahagi,
Sa kalyeng iyon, tayo’y parang mga hari.

Tambayang puspos ng saya at laro
Halakhak, iyakan, mga simpleng salaysay sa kanto.
Sa isip ko, paulit-ulit kong nilililok,
Ang mga alaala nating di mabubunot.

Tila kahapon lang ang mga tawanan,
Mga plano’t pangarap na sabay pinagsaluhan.
Ang mga yapak sa lupa’y bakas ng samahan,
Ang tambayan natin, tahanan ng kaligayahan.

Tulad ng dahon sa hangin, nagkahiwa-hiwalay,
Itinulak ng tadhana sa magkabilang buhay.
Hindi ito dahil sa paglimot o pagkukulang,
Kundi sa reyalidad na wala tayong laban.

Hindi ko malilimutan ang ating kahapon,
Mga gabing puno ng ligaya at hamon.
Subalit ngayon, lahat ay nagiba,
Ang mga nilalang ay may sariling drama.

Ngayon, tila napagod ang mga tawa,
Ang bangkilan ay matamlay, walang sigla.
Ang bawat isa’y naglalakbay sa sariling daan,
May pusong sugatan, ang iba nama’y iniwan.

Ang mundo’y tila naging masyadong mabilis,
Pagsubok sa atin, di maipagkakailang matulis.
Mga bungisngis at yakap na dati’y sagana,
Ngayo’y bulong na lamang sa hangin, kay sakit makita.

Parang mga dahong nalagas sa sanga,
Humiwalay sa iisang ugat, ngayo’y natutuyo’t nangungulila.
Ang mga ngiti’y tila abo ng apoy na naparam,
Wala nang sagot kahit sa mga lihim na tanong ko sa buwan.

Ang bawat pangalan ay alingawngaw na nawawala,
Sa lambong ng dilim, halos di na makilala.
Ang mga pagninilay ay parang dahong lanta,
Nalagas sa puno ng samahan, ngayo’y pilit kong sinasampalataya.

Mga ngiti’y naging abo sa nag-apoy na gabi,
Ang tambayan natin, tila naging libingan ng ngiti.
Hindi man masumbat sa tadhana ang dahilan,
Sadyang masakit tanggapin ang hiwa ng kapalaran.

Sa bawat gabi, ako’y nagbubuntong-hininga,
Nasaan na kaya ang ating barkada?
Tahimik kong ipinagdarasal sa May Likha,
Na kayo’y ligtas, masaya, at maligaya.

Tulad ng alon na dumadagundong sa dagat,
Ang halinghing ng saya ay naaalala, humaplit, nasasalat.
Hindi natin hawak ang agos ng panahon,
Ngunit di nito masisira ang ating koneksyon.

Kung kayo man ay huminto’t nawala sa liwanag,
Huwag matakot, huwag mabagabag
Ang ating kasaysayan ay hindi magtatapos dito,
May pag-asang sisinag sa dulo ng daan, sigurado ako.

Sa huli, ang ating buhay ay isang paglalakbay,
Mga daang baluktot, minsan ay malalay.
Ngunit ang ating pagkakaibigan, parang bituin,
Walang sawang kumukislap, patnubay sa dilim.

Kaibigan, kung ang ating landas ay muling magsalubong,
Ang halakhak ay babalik tulad ng mga bulaklak na muling sumisikat sa tagsibol ng panahon.
Mga salaysay ay aapaw, para bang ulan,
Sa puso natin, may pag-ibig na di mapaparam.

At kung sa dulo ng lahat, tayo’y di na magtagpo,
Huwag malungkot, huwag sumuko.
Sa bawat hapil ng aking dasal, pangalan nyo’y isasambit,
Mga Kaibigan ko, kayo’y bituin sa aking langit.

Oras man natin ay laging kapos
Ngunit pagkakaibigan natin ay di matatapos.

Leave a Reply