“Mapapagod din ako!”, huwag nating madaliin ang laban. Kahit saan naman maiksi o mahabang paghihintay, paghihintay pa din iyan. Kailangang maghintay, kailangan ng proseso. Lalo mong minamadali lalo lang lumalalim ang sugat, lalo lang tumatagal ang sakit. Bakit hindi natin hayaan na natural nating mapagdaanan, at kusang maghilom o gumaling ang sugat. Alam ko mahirap, alam ko mas tumatagal mas hindi natin kinakaya pero baka ito ang kailangan natin minsan. Baka ito ang maghahanda sa atin sa tamang panahon, na tama na ang ating pinaglalaban.
Hindi ko sinasabi ito para ibabad mo ang sarili mo sa sakit o magpakalunod ka sa lungkot, galit o hinagpis. Ang punto ko lang kung kailangan nating pagdaanan ang lahat ng ito, isa-isa, araw-araw, hanggang sa kusa na tayong tumigil at tayo na mismo ang hihintong umiyak at masaktan. Huwag nating labanan ang agos, minsan kailangan nating sumunod. Mas dadali kung hahayaan natin na tangayin ng agos, o ilipad tayo ng hangin, mas gagaan kung ilalabas natin ang nasa loob, kaysa sabihin nating okay na tayo, kaya ko na, matapang ako, magaling na ako, pero sa kabila nito ang realidad na nasasaktan pa din ako, hindi ko pa kaya, masakit pa din!
Kaya nga inuulit ko, bakit hindi natin subukang magpakatotoo o maging totoo sa sarili natin. Ano ngayon kung iniisip nila na hindi natin dapat nararamdaman ito? Ano ngayon kung sasabihin ng iba na ang hina natin o bakit hindi tayo magpakatapang para iyon lang naman? Wala silang karapatan na sabihin kung ano ang dapat mong maramdaman. Ikaw yan, masaktan ka kung kinakailangan, umiyak ka kung ito ang iyong nais. Pero ang huwag na huwag mong gagawin ay ang isuko ang laban, isuko ang iyong buhay at huminto ng magmahal dahil minsan kang sinaktan o nasaktan. Gawin mo itong dahilan para mas lalo kang magmahal ng totoo at magmamahal ng walang kapalit o inaabangan.
“Hindi ko alam kung mababasa mo ito John, pero nais kong malaman mo ang nasa aking puso’t isipan. Sa panaginip kita unang nasilayan, at hindi basta panaginip na madaling kalimutan. Noon, nilabanan ko dahil alam kong malabo sa una palang. Pero hindi ko alam bakit puso ko ay palaban kahit ang utak ko nagsasabi na ng katotohanan. Katotohanan na sa iyo mismo nanggaling, na sa akin wala kang pagtingin. Pero hayaan mo na pagdaanan ko ang proseso sa tamang kaparaanan. Dahil sa kabila ng pagpigil ko sa aking nararamdaman hindi ko namalayan na puso ko ay ikaw na pala ang sinisigaw. Kung sakali at loobin ng tadhana na ito ay iyong masilayan. Hindi kita pipilitin na maramdaman din ang aking nararamdaman. Nais ko lang ay mabuhay ka ng masaya at nasa Kanyang kalooban. Sa ngayon hayaan mo lang akong masaktan, kaysa naman araw-araw kong maramdaman na napilitan ka lang. Sa ngayon nasasaktan ako, pero sa hinaharap makikita mo makakaya ko ito at ako ay tatapang. Hayaan mo lang akong masaktan ng masaktan ng masaktan hanggang hindi ko na ito maramdaman. At isang araw kaya na kitang tignan at masabi ko na hindi na ako nasasaktan!”
Patuloy na magmamahal…