Ikaw ang pahinga ko sa nakakapagod na mundo —Noon, hindi na ngayon.
Nung tinanong kita kung anong problema, ngiti lang ang iyong itinugon kasabay ng mga katagang ” Wala. Mahal na mahal kita. ” kaya ako’y naniwala, pinanghawakan ko pa ng sobra.
Naidlip lang saglit, pagmulat ko, bigla kang nag bago. Tila hindi na ikaw yung nakilala at nakasama ko nung umpisa,
Ang dating iisang destinasyon, ngayon magkaiba na ng direksiyon ang dating masaya, magiging isang malungkot na ala-ala nalang para sa ating dalawa.
Bago ang takipsilim ay masaya at maayos pa naman tayo hindi ba? Pagsapit ng bukangliwayway hindi ko alam ba’t bigla ka nalang nag-iba..
Daig ko pa ang naligo sa tubig na may yelo sa sobrang lamig ng pakikitungo mo, ni hindi mo man lang pinaliwanag mga dahilan mo kahit na alam mong nag-aantay lang ako
Hindi ko alam kung papaano, kailan, at kung akin bang kakayaning limutin ang lahat-lahat sa atin.
Mga panahong isinantabi ang sarili, araw-araw kang pinipili. Ni hindi ko alam kung pinahalagahan mo ba talaga o binalewala ng hindi sa akin’y pinahalata.
Pinilit kong maisalba, mas hinigpitan ko ang aking kapit sa iyong mga kamay na pabitaw na
Ngunit tila ba ako’y huli na at nanghina Ikaw na mismo ang kusang kumawala sa kamay kong nakakapit pa Nakakapagod rin pala –hindi na natin pahinga ang isa’t-isa.
Sa aking pag-iisa, dahan-dahang inihakbang ang mga paa palayo sa masasaya at maging sa mapapait na ala-ala
Masasabing ito na ang tamang oras at panahon para sarili ko naman ang aking pipiliin at uunahin
Tanggap ko na na pinagtagpo lang talaga tayo sa bandang gitna kahit hindi naman talaga tayo ang itinadhana,
Salamat sa mga ginawa mo na siyang unti-unting bumubuo sa bagong ako.
Kung may huli mang hihilingin, yun ay ang manatili kang masaya kahit nasa piling kana ng iba
Patawad sa mga pagkukulang ko, maging sa mga pagkakataong kahit d mo na ako gusto, nanatili ka parin sa tabi ko
Ako? Ayos lang ako. Magiging maayos rin ako
Hindi man agad-agad, naniniwala ako na may magagawa ang maliliit na pag-usad
Sa unti-unting pagbitaw ko, unti-unti na rin akong nabubuo
Salamat sa’yo, sa bawat ala-alang iniwan mo
Sa pagbitaw mo, napagtanto kong malakas pala ako
Na hindi ko kailangan ng kapares para ako’y maging buo at kumpleto
Ituturing kitang magandang sakuna na nangyari sa buhay ko —magiging bahagi ng makabuluhan kong kwento.