Sumulat ka ng tula para sa kanya
Ipinabasa mo sa akin, naisip ko’y “Ang ganda…”
Ganoon naman yata talaga kapag ikaw ay inspirado
Bawat salita sa kinathang tula ay sigurado
Ngunit sa tula mong ito para sa kanya
Ramdam ko ang sakit na iyong nadarama
Walang katiyakang relasyon sa piling niya
Nagpapahirap sa iyong kalooban tuwina
Wala ka mang ideya sa tunay kong nararamdaman
Ang makita kang nasasaktan ay di ko makayanan
Gustong-gusto kong ikaw ay yakapin
Mapawi ko lamang bigat ng iyong damdamin
Ngunit paano ko ito gagawin?
Kung mga mata mo’y sa kanya lamang nakatingin
Alam ko ring mahal na mahal mo siya
Bakit pa ako aasa, sinta?
Pero tulad mo, ako’y inspirado
Nahihirapan man, hindi nagbabago
Laman ng puso, di ko na yata maitatago
Kahit alam ko namang sa iyo ay mabibigo
Hindi mo lamang alam kung gaano ako nahihirapan
Mabatid ang isang masaklap na katotohanan
Kailanman ikaw ay hindi magiging akin
Ilang tula man ang ang aking gawin
Aaminin ko, noon ako’y nangarap na magustuhan mo
Kalokohan mang isipin, iyon ang totoo
Kapag magkahawak tayo ng kamay o nakahilig ako sa balikat mo
Minsan iniisip ko…
Gusto mo rin bang lahat ito?
Palagi kong inaasam na maging laman din ng iyong tula
Subalit kung magpapatuloy pa ang pag-asa
Ano ba talaga ang mapapala?
Simula’t sapul, nilinaw mong hindi kita dapat mahalin
Habambuhay na kaibigan lamang ang magiging turing mo sa akin
Sumulat ka ng tula para sa kanya
Ipinabasa mo sa akin, naisip ko’y “Ang ganda…”
Ngayon, hayaan mong ako naman ang mag-alay sa iyo
Mga salitang sigurado, ikaw ang inspirasyon
Mahal kita, mula noon hanggang ngayon
Hamak na tula ko ma’y walang tugon