Pagod na ako.
Pagod na akong mag-isa.
Pagod na akong paniwalain ang sarili ko na mayroon akong kasama. Na mayroong tao na handang umupo sa tabi ko para sabihang “mahalaga ka.”
Pagod na akong intindihin ang lahat ng taong nangako na mananatili sila, pero unti-unting nawawala.
Pagod na ako sa mga salitang “masaya akong nakilala kita” pero matapos ang panaho’y nakalimutan na ang bawat nabitawang salita.
Pagod na ako.
Pagod na ako na isaksak sa kokote ko na mayroon akong kasama.
Kasi wala.
Wala naman talaga.
Pagod na ako.
Pagod na akong makitang wala lang ako sa paningin ng iba. Mapagsabihang isa ako sa ‘pinaka’, yun pala ay pinaka ‘walang kwenta’.
Pagod na akong makitang masaya ang iba samantalang ako dito ay unti-unting nasisira.
Pagod na akong ipaalala sa sarili ko na kailangan kong maging masaya kahit hindi naman talaga.
Pagod na ako.
Pagod na akong sabihing kaya ko pa. Lalaban pa.
Pagod na akong sabihing kaya ko mag-isa, kasi hindi na.
Pagod na ako.
Pagod na pagod na ako.
Pero bakit hindi Ka napapagod?
Bakit hindi Ka napapagod na iparamdam saking hindi ako nag-iisa?
Bakit hindi Ka napapagod na patahanin ako sa mga panahong ang unan ko ay basa na ng luha?
Bakit hindi ka napapagod na sundan ako sa tuwing tumatakbo ako palayo?
Bakit hindi?
Bakit hindi ka napapagod na ipaliwanag saking hindi ako nag-iisa, at palagi kang nandiyan sa tabi ko?
Bakit hindi ka napapagod na yakapin ako sa mga panahong nagpupumiglas ako sa yakap mo?
Bakit hindi ka napapagod na saluhin lahat ng galit ng kamao ko?
Bakit hindi ka napapagod?
Alam kong doble ang sakit na nararamdaman Mo sa mga panahong nasasaktan ako.
Alam kong mas matindi ang iyak mo sa mga pagkakataong walang tigil ang pagluha ko.
Alam kong sukdukan ang lungkot mo sa mga sitwasyong nakikita mong ligwak na ako.
Patawarin mo ako.
Pero pagod na ako.
Pero sa kabila nang pagod na to.
Hindi ko alam kung bakit nandito pa rin ako.
Isa pa rin itong patunay na sapat na ang grasya Mo.
Pagod na ako.
Pero salamat sa grasya Mo.