Para sa’yo, sa taong gusto ng gusto ko, Marami akong gustong sabihin sa’yo;
Una, sana ay tanggapin mo siya, Ang lahat lahat sa kanya; gaya na lamang ng bigla biglang pagtigil niya sa daan,
Bigla ka nalang pagtatawanan, at ang lahat ng kaniyang kabaliwan;
Pangalawa, alagaan mo siya; Madalas, matigas ang ulo niya, parang batang laging kailangang pagalitan ng kaniyang Ina, pero alam mo ba? Isa yan sa nagustuhan ko sa kanya; Na pinaparamdam niya sayo na kailangan ka niya, kapag may mga bagay na di niya maintindihan, ikaw ay kanyang tatawagan, At ito naman ako, palaging handa siyang tulungan;
Maging handa ka sa lahat ng kaniyang mga biglaan, kahit madalas ay hindi mo siya maintindihan, sana ay wag mo siyang iiwan; Kapag nauubusan ka na ng rason para wag siyang iwan ay ito ang iyong pagkatandaan, Napakarami niyang binaliwala para sa’yo, at sa maraming iyon, ay isa na ako;
May mga oras na siya’y mapaglaro, mapagbiro, ngunit mas maging handa ka sa mga oras na nagsisimula na siyang magseryoso; Posibleng magtanong siya ng mga bagay na lingid sa kaalaman mo, ngunit wag kang matakot, dahil kung siya man ay talagang para sa’yo, magkakaintindihan din kayo; Ayokong agawin sa’yo ang mga karapatan mo, dahil sa una pa lamang ay talo na ako sa’yo; sino ba naman ako?
Oo, palagi akong nandiyan, kahit hindi naman niya ako kailangan, ngunit wala akong pinagsisisihan, masaya akong ako ang kaibigan na palagi niyang maaasahan; Na kahit ikaw ang kaniyang nagustuhan, gustong gusto ko parin siyang tabihan; sa tuwing masama ang kaniyang pakiramdam, sa tuwing ang mga sagot sa tanong ay hindi niya alam, sa mga panahon na bigla bigla na lamang kaming may pagtatawanan at sabay namin huhusgahan, sa mga biglaan, mga hindi inaasahan, gusto kong palagi parin akong nandiyan;
Mahal ka na niya, inuulit ko sayo kahit masakit sakin, mahal ka na niya; hindi niya napapansin ang kanyang nararamdaman, dahil takot siyang masaktan; kaya sana ay ingatan mo siya, tulungan mo siyang maabot ang mga pinapangarap niya; Dahil ikaw ang kailangan niya. Wala akong karapatang pagsabihan ka, Ngunit gusto ko lamang sabihin sayo na maswerte ka, pinili ka.
Wag mo sayangin ang pagkakataon mong magmahal, at mahalin. Dahil hindi lahat nahahanap iyan, Ingatan mo, at wag mong susukuan, Upang balang araw ay hindi mo ito pagsisihan. Salamat sa’yo, at hangad ko ang inyong kaligayahan, hindi niya na kailangan pang malaman ang aking nararamdaman, sapat na sakin ang makita siya at mahalin kahit sa malayo na lamang.