Sa Ating Paglalayag
Categories Poetry

Sa Ating Paglalayag

Kay tagal ko nang naglalayag sa malawak na karagatan.
‘Di alam kung saan ba ang aking pupuntahan.
May ilan na ring sumakay sa aking balsa, pero ni isa walang nanatili para ako’y samahan.
Malungkot at masayang paglalakbay, yan ang aking naranasan.
Pero lahat ng nakasama ko sa mga panahong iyon ay mga napadaan lang.
Hanggang sa dumating ka, sa kalagitnaan ng aking paglalayag.
Siguro nga ay sadyang matagal nang bakante ang balsang ito, tumibay naman sa dami ng pagsubok na pinagdaanan nito.
Umalis ang mga dating sakay nito, para paghandaan ang pagsakay mo.

Gusto kong malaman mo na sobrang saya ko, ng puso ko.
Kasi kay tagal ko nang naglalakbay mag-isa, pero ikaw yung nanatili sa tabi ko sinta.
Kay tagal ko nang sinusuong ang mga pagsubok habang namamangka, pero ‘di mo naisip na lisanin ang balsang ito sinta.
Kay tagal ko nang naglalayag at ‘di na alam ang pupuntahan, pero ngayon alam ko nang ikaw ang destinasyon ko.
Masaya at malungkot ang paglalakbay na ito pero sinta mangangako ako.
Nangangako ako na kahit gaano kabigat ang mga dadating na pagsubok, ikaw at ikaw pa rin ang pipiliin ko.
Nangangako ako na sa araw-araw na darating ay pipiliin ko yung kasiyahan mo.
Nangangako ako na gagawin nating matagumpay ang paglalakbay na ito.
Nangangako ako na kahit madami ang ‘di sang-ayon ay magpapatuloy ako.
Nangangako ako na kahit abutin man ng mahabang panahon ay maghihintay ako.
Nangangako ako na kahit mapagod ako ay hahanapin kita kasi ikaw ang pahinga ko.
Nangangako ako na balang araw ay hihingin ko sa Kanya yung puso mo at yung kamay mo.

Pangako, laging tatandaan mo.
Kasi kahit sabihin nila na ang mga pangako ay madalas baliin.
Magtiwala ka lang sa akin sinta kasi naniniwala ako, na ang pangako ay nakatakdang tuparin.
Kaya sinta, salamat sa pananatili sa balsa kong ito, mahaba ang ating lalakbayin ngunit pangako ‘di kita bibiguin.