Sa Dulo
Categories Poetry

Sa Dulo

Sa isang madilim na gabi, ako'y napatingala sa mga tala 
Ikaw ang makinang na bituin, ako naman ang gabing madilim 
Sapagka't buhay ko'y lumiwanag nang pag-ibig mo sa aki'y inihayag 

Habang ako'y nakatayo, umihip ang hanging labis ang lamig
Aking naalala ang init ng yakap ng iyong mga bisig
Puso ko'y di napigilang maramdaman ang kilig
Sa wakas nakaramdam ng pag-ibig

Napansin ko ring ang gabi'y sobrang tahimik
Sumagi sa isip nang una tayong magkasama parehas na walang imik
Tanging tibok ng puso mo at puso ko ang naririnig
Sabay guhit ng ngiti sa iyong marikit na bibig
Tulad ng mga bituin, ika'y nagniningning
Labis na galak nararamdaman sa iyong piling
Nangarap akong hanggang sa pagtanda ay tayo na
Katulad ng mga awiting nalikha at nangyayari sa pelikula

Subalit isang gabi, habang nakatitig ako sa langit
Nawala ang ningning ng mga bituin at kay sakit
Tumulo ang luha sa aking pisngi
Sabi ng utak ko wala ka na talaga, ngunit ang puso'y pilit na tumatanggi pa

Napaluhod, nawalan ng lakas ang mga tuhod
Yumuko na lamang ako't humagulgol
Tuluyan ng dumilim ang gabi
Sa kadahilanang wala ka na sa aking tabi

Tumingala akong muli, umaasang makita pa ang iyong mga ngiti
Ngunit ang natagpuan ko'y ang sarili kong namamatay sa hapdi
Hapdi ng mga sugat na dala ng labis na pagmamahal
Pagmamahal na akala ko ako lang ang mahal

Dahan dahan kong narinig ang isang marahang tinig
Mahal kita, mahal kita anak, halika at humilig
Humilig ka sa aking mga bisig
Sapagka't ang dala ko'y walang hanggang pag-ibig

Ako, ang buwan na di mo nakita
Nang mga panahong mga bituin lamang ang iyong nakikita
Pinilit mong kumawala sa mga bisig ko para lang yakapin siya
Ngunit walang araw na sa paningin ko'y inalis kita

Mahal salamat aa lahat ng sakit na dulot mo
Na naging daan upang mas makikilala ko pa ang sarili ko
Mahal, may nagawa ba akong mali
Upang magawa mo ring iwan ako sa huli?

Ngunit pinaramdam Niya sa akin ng husto,
Na may kasiyahan pa rin sa likod nito
Ang kalangitan ay labis na nagdiwang
Sapagkat nakalaya na ang puso kong nangangalawang

Iginapos mo ako sa akala kong tunay na pagmamahal
Ako nama'y ngpatali na parang isang hangal
Pero salamat, niligtas mo ako sa malungkot pang mga araw na maaring danasin pa
Na kapag mali ay ipinilit
Ako rin ang sa sakit ay mamamalipit

Salamat sapagkat ngayon palang pinatunayan mong ako'y hindi sapat
Na kahit gawin ko ang lahat ika'y pilit paring maghahanap
Ngunit isa lamang ang sinisigurado ko sayo
Hinding hindi ko ipaparamdam sa iba, ang naramdamang sakit sayo

Mahal, salamat. Salamat kahit hindi na ako ang iyong mahal
Salamat dahil hinayaan mong mahalin kita kahit hindi nagtagal
Salamat at tinuturuan mo ang puso ko na malaman ang tunay na pag-ibig sa hindi totoo

Minahal kita pero mas minahal Niya ako
Yung Diyos na kahit sinaktan ko sa pagpili ko sayo
Ngayon lilimutin ko na ang nakaraan at haharapin ang katotohanan
Mali ang ipaglaban ka
Mali ang mahalin ka
Isa lang ang tama 
Ang sundin Siya!

Hinatid mo lang pala ako sa dulo
At sa paghatid mo sakin sa dulo natagpuan ng Diyos ang puso ko
Muli Niyang binuo ang wasak na ako
Kaya ngayon handa na muling lumaban sa laban ng mundo!