Hindi ko makakaila, mahirap nga siguro kapag madami ka nang pinagdaanan. Hindi ko na rin mabilang ilang beses na ba akong nadapa? Ilang beses na ba akong nagkamali sa pagpili? Naglaan ng oras at panahon sa mga taong hindi naman pala karapat-dapat. Mga pagbibigay na hindi pa rin pala sapat. Siguro nga ako lang ang may gawa nito, kaya ako nagkakaganito. Ang isip ay gulong-gulo na pakiramdam ko wala nang kasagutan lahat ng ito. Kaya para bang sanay na lang ako kapag may isang taong bigla na lang nawawala. Yung isang araw na masaya at puno ng ligaya, aabot din pala sa puntong kailangan din magwakas. Hinipan ng hangin kung ano man ang meron tayong dalawa. At ganoon kabilis lang, nawala rin ang lahat.
Alam ko may mali ako. Siguro ito rin ang naiisip mo. Pero minsan nanghihinayang ako. Nasimulan na natin ang masasayang usapan na parang wala nang bukas. Nakangiti ako tuwing kausap ka. Sinasabi sa sarili ko, “Malala na ito.” Takot na akong umibig sa’yo. Pilit na umiiwas na tuluyang mahulog sa’yo, kaso hindi napigilan ang pagbagsak ng puso kong bato at nabasag dahil naramdaman ko muli ito. Doon ko napagtanto, seryoso na pala ako. Ang problema, hindi ko alam kung ito rin ba ang nararamdaman mo.
Minsan napapaisip ako, sa akin ka lang kaya ganito? O baka sa iba ring mga nakakausap mo? Mahirap mag-isip ng kung ano-ano. Kaya napagdesisyunan kong huminto at itigil ang lahat ng ito. Hindi ko hahayaang magkamali nanaman ako. Isa nanaman ba itong paalam na kailangan kong harapin? O baka nga kailangan ko na lang tanggapin na hindi ka talaga para sa’kin?
Sa lahat ng ito, natutunan kong mamaalam hindi lang sa’yo kundi sa lumang ako. Yung ako na pinipilit lang ang gusto ko. Yung ako na laging pinapairal ang emosyon. Yung ako na walang isang desisyon. Pero mula ngayon, ang paalam na ito ay magsisilbing paalala kung sino na ako ngayon. Yung ako ngayon na alam na ang dapat pahalagahan sa buhay ko. Yung ako na natuto nang mahalin ang sarili ko. Yung ako na alam na ang dapat kalagyan ko. Kaya sa paalam na ito, sana maalala mo na minsan may isang tao na totoong nagpahalaga sa’yo.