Current Article:

Maraming Salamat at Paalam, aking Ama! Hanggang sa muli nating pagkikita…

Maraming Salamat at Paalam, aking Ama! Hanggang sa muli nating pagkikita…
Categories Bdub

Maraming Salamat at Paalam, aking Ama! Hanggang sa muli nating pagkikita…

Tatay, Daddy, Papa, Erpat, Tatang, Itay…Anumang katawagan pa yan.. sila ang tinagurian na ating haligi ng tahanan…

Sa aking ama, salamat sa walang sawang pagmamahal. Ikaw ang aking sandalan sa mga panahong hindi ko na kaya. Ikaw ang nagbibigay ng lakas sa tuwing nauupos na parang kandila.

Ikaw ang bumuo ng aking buhay…Simula ng ako’y isilang hanggang sa kasalukuyan, utang ko ang lahat ng ito sa iyo… aking Ama.

Isa ka sa malaking parte ng aking pagkatao. Hindi mo ko iniwan sa mga panahong nahihirapan at walang makapitan.

Naalala ko noong mga panahong ako’y bata pa… Lagi mong ibinibigay anuman ang aking kahilingan. Inuuna ang aking kapakanan maibigay lamang ang aking kasiyahan.

Ikaw ang humubog sa aking katauhan, mga pangaral na aking iniingatan at kailaman ay hinding-hindi ko malilimutan.

Lagi mong sinasabi noon, masaya ka nang makita akong makapagtapos sa aking pag-aaral.

Kaya naman, nagsumikap ka para matustusan ang aking pangangailangan.. Inubos ang lakas at banat butong nagtrabaho sa araw-araw.

Kahit ramdam ang pananakit ng iyong mga paa, walang sawa pa rin na pumasok sa sinisilbihang kompanya.

Tunay nga na ikaw ang superhero sa ating pamilya… Nagdaan ang mga oras, araw hanggang sa maraming mga taon.

Dito ko napagtanto na hindi sa lahat ng oras, ang ama na aking iniidolo ay palaging malakas.

Dumating ang unang araw ng Enero, 2012…Bigla ka na lamang lumisan at nag-iwan.

Akala ko, umalis ka lamang ng bahay at muli ring babalik kinahapunan subalit nagdaan ang buong gabi, ang aking ama ay hindi na nasilayan.

Dito ko nalaman kinaumagahan na tuluyan mo na nga kaming iniwanan… Ika’y lumisan nang wala man lang paalam.

Ang hirap tanggapin kasi sabi mo hindi mo ako iiwanan hangga’t hindi ko naabot ang aking pangarap.

Nangako ka na ikaw ang aking makakasama sa oras na kukunin na ang aking diploma.

Pero ang pangakong ito ay sadyang mapapako na dahil nga ikaw ay lumisan na.

Marami pa akong nais gawin tulad ng nais mong plano para sa akin.

Aking ama, tunay nga na may mga bagay na mangyayari na hindi mo inaasahan subalit marami kang matututunan….At sa iyong paglisan, marami akong natutunan.

Sa aking paglaki, nagsilbing gabay ang magagandang aral at payo na iyong sinabi.

Lahat ng plano mo para sa akin, unti-unti kong naabot dahil alam kong nanjan ka.

Hindi man kita makita, mahawakan, at mahagkan…. Alam kong lagi mo akong binabantayan.

Ikaw ang nagsilbing inspirasyon upang parangap ay makamtan.

Ikaw ang dahilan sa pagsibol ng isang munting sanggol na noon ay iyo lamang hinehele, subalit ngayon ay isa nang ganap na manunulat.

Aaminin ko, sa iyong pag-alis ay sobra akong naiyak, nasaktan at nalungkot… subalit sa ngayon, ako’y nagagalak sapagkat alam kong masaya ka na dahil kapiling mo na ang Amang Maylikha.

Maraming maraming salamat po.. at paalam aking Ama, hanggang sa muli nating pagkikita…