Matagal din akong nag-aantay sa’yo
Sa mga yabag ng paa, wasak na mesa
Salitang binitawan ng dalawang taong
Inukit ang sugat na matagal kong inalagaan
Bawat markang makikita ay di ko hiniling
sa palibot ng pagkatao kong walang pasubali
Tanging nais ko lang ay iyong mapansin
ang tibok ng puso kong pumipintig pa rin
Taon ang lumipas ng nakaraang mapait
aking itinago ang puso ko’t inilihim
binalot at isinilid sa kahon ng dalamhati
pagkat wala naman na din itong silbi
Sa aking pagmamasid, tinatanong ko kung bakit
may ibang nilalang ba na may balak sumilip?
mga bakas ng panahong umukit sa pintig
hindi na ako umasang may magtatangka muli
Pero heto ka, di pa man kita nakikilala
nais kong ipakita sa iyo ang inilihim sa iba
sa loob ng kahon, pilit kong patibukin sinta
ngunit di ko maintindihan bakit lumuluha siya
Takot na nakabantay sa labas ng pagsinta
sinusubukang pakawalan ang nakabalot na kadena
kadenang ako din ang naglagay upang protektahan
ang sarili upang hindi na maulit ang ikakasama
Pakinggan mo sana ang tibok niya, O matamis na dalaga
hagkan ang bawat kamalian na kanyang itinatama
Kung sa iba ay hindi magawang ipakita ang nadarama
pero sa iyo ay gusto nitong tumalon sa tuwa.
Nais kong makilala ka, matamis na dalaga.
pero hindi ko alam kung saan magsisimula
Itong aking pusong inaalay ko sayo ay hindi man perpekto
sugatan at may galos na dahilan ng pagpapakatotoo
Wag ka sanang matakot sa mga bigkas ng salita
dahil ang umibig ay handang masaktan at lumuha.
hindi natatakot sa maaaring makita at madama
ito’y totoo at walang halong pangamba.
Sa iyo, o binibini na pangalan ay matamis
Na pangako sa Diyos at katuwaan ay labis.
Nawa’y ikaw sana ang matagal ko nang dinadasal
na siyang aangkin sa puso kong inilihim ng matagal