Ang hirap
Categories Poetry

Ang hirap

Ang hirap palang magmove-on, ‘no?
Lalo na kung hindi naman naging kayo.
Lalo na kung ang ugnayan niyo’y hindi klaro.
Para kang nakatayo sa gitna ng disyerto,
hindi mo alam kung saan ang simula at dulo.

Ang hirap mag-umpisa,
lalo na kung ang puso mo’y umaasa pa.
Lalo na kung gusto mo pa rin siya.
Para kang nakatayo sa gitna ng kalsada,
hindi mo alam kung titigil ka na ba o magpapatuloy pa.

Ang hirap kasi hindi naman naging kayo,
kahit ilang beses kayong nagpalitan ng “I love you”,
kahit sa isa’t-isa’y ilang beses kayong nangako.
Para lang kayong mga batang natatakot sumubok ng bago—
laging inuunahan ng takot at iniisip na delikado.

Ang hirap kasi bigla na lang siyang nawala.
Naglaho na parang bula.
Walang iniwang kahit isang salita—
kahit paalam, wala.
Basta umalis na lang siya
at iniwan kang nag-iisa.

Ang hirap pero anong magagawa mo?
Pinilit mo pa rin kasi kahit walang kasiguraduhan,
kahit alam mong hindi siya pangmatagalan.
Pinilit mo pa rin siyang kapitan.
Kaya heto ka’t nasasaktan nang ika’y kaniya nang binitawan.

Ang hirap pero dapat kayanin mo.
‘Wag mo na ulit hayaan ang puso mo na ika’y dayain.
‘Wag ka na ulit magpalinlang sa kaniyang mga salita.
‘Tigilan mo na ang pag-aalay sa kaniya ng mga tula,
kasi tatapatin na kita.

Hindi na ikaw ang mahal niya.
May iba na siya.
Wala na siyang pakealam sa’yo.
Walang kayo.
Hindi naging kayo.