// AKALA //
Categories Poetry

// AKALA //

Dumating ang gabing nabigkas kong “BAHALA NA!”
Tama na, naubos na ang mga luha
Pagod, galit, at higit sa lahat kay lalim na ng sakit
Kaya tama na, di na ako kakapit

Bahala na sa mga plano ko noon
Bawat mithiin, tinago na sa baon
“Bahala na,” sabi ko sa kanila
“Bahala na,” galit na sigaw ko sa Kanya

Heto na lamang ang aking makakaya
Hanggang dito na lang, ‘yun ‘yung aking akala
Parang pintor na naubusan ng mga tinta
Sabi ko tama na, wala na’kong magandang maipipinta

Akalain mo, lahat ng eto aki’y inakala?
Sinabi ko pa nga baka napagod na si Bathala
Siguro nga, sa akin ay tapos na Siya
Siguro nga napagod na, kaya bahala na

Limang araw, dalawang buwan at isang taon pa
Lumipas na parang paulit-ulit na tula
Pero di ko inakala na babalikan ko pala
Yung isang pahinang, may nakasulat na mga kataga:

Ang mga bagay na hindi nakikita ng mata
Yung mga hindi naririnig ng pang-mundong tainga
Ang mga ideyang di ma-isip nang utak pangtao
Eto ang tipo ng mga sinusulat Kong kuwento   (1 Corinthians 2:9)

Sa mga panahon na sinasabi kong bahala na
Kayod nang kayod pala si Bathala
Galawin eto, kunin yun
Dagdag dito, bawas doon

Parang arkitekto, Siya’y abalang-abala
Buhay ko pala’y dinudugtong Niya
Sino ba naman ang mag-aakala?
Kay ganda pala kapag bahala na si Bathala