Akda ng Buhay

Kumintal sa aking isipan na ang buhay ng tao ay katulad ng isang libro. Ang bawat pahina ay katumbas ng ilang libong pagtawa, pagtangis, at pagsuko. Naiisip man na ang mga kabanata ay hindi kontrolado, ngunit sa likod nito ay may akdang patuloy na pumapalaot ang pluma dahil luklukan ang kanyang mabuting plano.

Niyanig at tuluyang binalot ng takot ang mundo. Ang mga nakasanayang gawain katulad ng paglabas at pakikihalubilo sa ibang tao ay tuluyang nawala dahil sa dala ng isang salot na patuloy na tumutuligsa sa ating paghinga. Masasabing para tayong nasa telenovela na nakikipagsapalaran at nilalabanan ang mga yugto. Dumaan man ang mga araw ay utay-utay tayong nauupos na kandila at hinihiling na kung ito man ay isang panaginip, tayo nawa’y gisingin. Samakatuwid, isa ako sa mga taong winasak ng mga nakaraang taon, pagkatapos dumating ang pandemiya. Sa apat na sulok ng aking kwarto ay nakakapanlumo, nakakasulasok, at nakakapanghina. Sila ang saksi sa mga impit kong iyak sa gabi at pagkalulong sa social media na nakakalason sa aking mentalidad.  Dumating sa sukdulan, ang dating lagablab ng aking pananampalataya ay tuluyang nawalan na ng ningas. Ako’y nagmukang bulag at naghahanap ng liwanag. Higit pa rito, naisip ko na ring tapusin ang sariling libro ng buhay.

Sa kabilang banda, tunay, wagas at sapat ang pag-ibig ng Diyos. Totoo palang may malasakit siya sa mga natatakot at mahihina. Ako na hindi karapat-dapat sa pagmamahal niya ay mahigpit niyang niyakap ngayong ako ay umuwi na. Inalis nya ang aking tabon sa mga mata at maliwanag ko siyang nakita. Hindi pa pala tapos ang aking kabanata. Nais pa niya akong manatili sa kwentong dati pa niyang ginawa. Buntong-hininga. Kakakayanin pa. Marami pang mga pahina. Huwag mangamba dahil ang Diyos ang may-akda.

Exit mobile version