—to someone I met in 2019
Puno ako ng panghihinayang ngayon. Hindi ko lubos maisip na mararanasan ko iyong ganito—magmahal sa tamang tao ngunit maling panahon. Apat na taon na makalipas nung una tayong pinagtagpo ng tadhana. Labing anim na taon ako noon at ikaw ay dalawang pu’t isa. Bago palang ako noon sa church, ikaw naman ay matagal nang naglilingkod. Worship leader ka non, hindi naman maitatanggi sapagkat lahat kami’y kumbinsido na ginawa ang boses mo upang magbigay puri sa Panginoon. Maraming humahanga sa’yo, bukod sa active ka sa church, lubos kaming nahulog sa puso mong tumulong sa mga kabataang gustong magkaroon ng relasyon sa Panginoon. Kaya ako na nga yata ang pinakamapalad na babae nung panahon na iyon, dahil hindi naman sa pagmamayabang sa mga babaeng nagkakagusto sa’yo, pero palaging nasa direksyon ko ang mga mata. Sa tuwing magkakatitigan tayo, kumbinsido ang pusong iisa tayo ng nararamdaman. Mga panahong kahit simpleng sulyap lamang tuwing linggo ay kuntento na tayo. Kung maibabalik ko lamang ang panahon…
Hindi mawala sa isip ko nung muli kitang makita noong nakaraang linggo. Ang tagal mong nawala. Naghintay ako. Ngayon ko nalamang muli nakita ang mga matang kinahulugan ko noon. Nalungkot ako nang makita ka, dahil ang mga mata mo’y hindi na tulad ng dati—nangungusap, puno ng pagmamahal at pananabik. Gusto kong magalit dahil naghintay ako sa’yo. Dalawang taon na walang koneksyon, walang kasiguraduhan kung parehas pa ba tayo ng pahinang kinalalagyan o nagbago ka na.
Hindi tuloy mawala sa isip ko ngayon: Paano kung hindi tayo sumuko noon? Paano kung ipinaglaban natin yung “tayo”?. Paano kung hindi ka nawala sa church? Paano kung hindi tayo nagpadala sa pressure ng mga taong nakapaligid satin noon? Tutungtong na ako ng dalawangpu sa susunod na buwan, pwede na sana ang “tayo”. Kagaya ng pamilya mo, buo na rin kaming pamilya na naglilingkod. May trabaho ka na, parehas na tayong kumikita ng pera ngayon. Mas responsable at matured na tayo ngayon. Pwede na sanang magkaroon ng “tayo”. Wala nang hahadlang, nagbago na ang mga taong nakapaligid sa atin. Siguro pwede na. Pero mapandaya nga siguro ang mundo. Dahil kasabay ng pagtakbo ng oras ang damdamin nating tuluyan nang lumayo sa isa’t-isa. Hindi na tayo katulad ng dati. Hindi na nga ba? Sa ating dalawa, ako nalamang yata ang nag-hihintay, at umaasa sa tamang panahon upang maipagpatuloy natin ang pag-ibig na naudlot dahil sa hindi pa tama ang panahon.
—Red