“Asan ako! Asan ako?”
Tanong ko sa sarili ko pagkagising ko
Tila ba hindi pamilyar sa akin ang lugar na ito
Sa tagal ko sa mundo, ngayon lang ako naparito
Inikot ko ang mga paningin ko para masaksihan ng husto
Tumalon pa ako sa pag-aakalang nanaginip lang ako.
Nang mahimasmasan ako
nagtaka na ako dahil puro na lang kadiliman ang nakikita ko!
Saan mang dako, ni walang isang bintana ang nakapwesto.
Takot na takot ako kaya ako tumakbo
Ngunit hindi pa ako nakakalayo
nabangga ko ang bakal na bato
at malaking kandado ang siyang nakapa ko.
Nahilata na lang ako
at bigla kong naalala
Inaresto pala ako ng mga may takim sa gobyerno!
Bumalik tayo sa unang tanong ko
“asan ako? asan ako?”
Andito na pala ako sa lugar ng impyerno
Ngunit bakit ako nakakulong dito?
Gayong alam ko naman sa sarili ko na inosente ako!
Nagalit sa akin ang madla
dahil sa bintang ng makapangyarihang nag-iisa.
Mamamatay tao raw ako
at walang awa sa kapwa tao
Hindi pa nakuntento’t inere pa ang pangalan ko
Kalat buong mundo ang krimeng ginawa ko.
Binato ako, sinampal, at tinadyakan ng mga tao
Kinawawa’t minaltrato
Matinding sakit sa dibdib ang aking natamo
Hindi mabilang na pasa ang mumarka sa katawan ko
Ngunit hindi ako makareklamo dahil sa kapansanan ko!
Isa akong presong pipi,
hindi makapagsalita’t, hindi mawari.
Walang edukasyon, wala ding madaming pera.
Pamilya lamang ang meron ako
pero sa gitna pa ng laban ko, iniwan ako.
Iniwan ako ng mga taong akala ko pag-asa ko!
Nagpatangay sila sa mga sabi-sabi
Nagpalamon sila sa sistemang madumi
at ang hindi ko matanggap ay nagpasilaw sila sa perang marami!
Nagdurusa ako sa loob ng bilangguan
Nagbabayad sa kasalanang hindi ko naman ginawa ni minsan
Nalungkot ako ng higit pa sa sobra
Gabi gabi binabangungot ako ng masasayang ala-ala
Ala-alang sana di na lang lumipas
Ala-alang kaysarap sana baunin sa itaas
kung lahat ay lumalaban ng patas!
Iniisip ko na sana namatay na lang ako noon
Para di ko na nasilayan ang mundong ngayon.
Iba na talaga ang kalakaran
Kung sino pa mayaman siya pa ang lalong yumayaman
Kung sino pang mahirap siya pa ang lalong naghihirap.
Kung sa usapang diskriminasyon
Hindi ko maitatanggi sa sarili ko na naranasan ko na iyon.
Isa akong pipi, ni hindi makakibo
ni walang isang salita ang nabigkas ko
kaya heto ako ngayon, nakaupo sa madilim na sulok, nagluluksa at nag-iisa.
Sa pagdaan ng mga araw at taon,
Lalong napuno ng hinanakit ang puso ko
sa taong may pakana ng lahat ng ito.
Dapat ikaw ang nakakulong at inaayawan ng tao, hindi ako!
Iniwan ako ng asawa ko dahil sayo!
Kinamuhian ako ng anak ko dahil sa walang kwentang paratang mo!
Sinira mo ang sana masayang buhay ko!
Sinira mo ang reputasyon ko bilang tao!
at ang masakit pa sa lahat, pinagkait mo sa akin ang kalayaan ko!
Akala ko dati ang batas ay patas
ngunit bakit akong walang sala ang napopoot nakaposas?
Akala ko batas ang siyang nananaig
ngunit bakit batas ngayon ang siyang saki’y umusig?
Sa ating dalawa, marahil ikaw ang panalo sa ibabaw ng lupa
ngunit hindi ka makakaligtas kalaunan sa parusa Niya.
Dinggin ninyo ang tibok ng puso kong nagsusumamo’t nagmamakaawa
Bigyang pansin ang pusong hinang hina na’t gusto ng kumawala
Sagipin ninyo ako!
Paniwalaan at bigyan ng katarungan!
Sa araw ng aking kamatayan
wag niyo akong iyakan, ni wag lingunin.
Tuluyan niyo na lamang akong kalimutan
pagkat dangal at karapatan ko’y inyo naman ng inapak-apakan!
Mga anak, akoy inyong dalawin
sa mga nalalabing oras ko’y inyo na akong yakapin.
Patawarin ninyo ang ama
kung sa paglaki niyo’y di niya kayo nasubaybayan at nakita.
Sa huling hiling ko, sana pagbigyan niyo na ako.
Gustong gusto na kayong makita ni itay
bago man lang sana ako ihimlay.
Di man ako nakakapagsalita,
tignan niyo na lang ako sa aking mata.
Masdan niyo ng mabuti ang wangis ko’t kaluluwa,
sapagkat hindi ito tumatanggi’t nagkakaila.
Bali-baliktarin man ang mundo ako pa rin ang tatay niyo
Ako pa rin ang tatay niyo na sana kapiling niyo
Ako pa rin ang tatay niyo na sana pinagtatanggol niyo
Ako pa rin ang tatay niyo na nangungulila sa mga yakap at halik niyo
Ako pa rin ito, ang tatay niyo na naging biktima lamang dito!