Dati

Naalala mo ba nung gabing tinapos natin ang lahat? Naging saksi ang kalawakan kung gaano ito kabigat. Noong gabing pati tala ay tila nananadya na kung anong bigat ng kalooban at dilim ng paningin ay sya ring bigat at dilim ng kalangitan na sumasabay sa aking kalungkutan at hinaing. Bumuhos ang ulan, sinubukan kong magtampisaw, sumigaw kasabay ng aking pag-iyak. Sinubukan kong laruin ang bawat patak umaasang aanurin nito ang lahat ng pait at sakit na saki’y naiwan. Pero hindi pala, imbis na ako ang maglaro, ako ang pinaglaruan ng ulan at kalawakan.

Gusto kong tumakbo pasalungat sa ikot ng mundo umaasang papalapit ang pagtakbong ito sayo. Nagbabakasakaling kaya ko pang ibalik ang dating mainit na yakap at halik mula sayo. Nagbabakasakaling muling maramdaman ang iyong pagiging sabik sa ideyang nandito ako, umaasang muli ay hanap hanapin mo. Ramdam ko, pero ayokong sabihin dahil natatakot na maaaring iwan mo sa pagkakataong magsalita ako, natatakot ako na malaman mula sayo na hindi na ako ang kailangan mo.

Akala ko’y tinapos natin ang lahat sa atin, tinapos mo lang pala ang dating init natin. Nawala ang init sayong mga yakap, nanlamig ang haplos at hawak, ang mga salitang dati’y walang kasing tamis nauwi sa halos walang kibong sagot sa aking mga nais, nanlabo ang pagtingin at pag-asang ito ay maaayos natin.

Patuloy ang ruta, paikot ikot lang pala. Gusto kong ibalik, gusto kong bumalik sa araw, oras, minuto at segundo ng dating meron tayo.

Published
Categorized as Poetry
Exit mobile version