Haliging Puyos
Categories Adulting

Haliging Puyos

Sa bawat umaga’y tila pako ang sahig,
At hindi liwanag ang sa akin’y dumidilig.
Dahil pasan ko’y bundok ng pangarap na matindi,
At hirap na sa puso’y kumakagat at sumisidhi.

Ako’y panganay, sa tungkulin nakakadena,
Sa bawat yapak, ang landas ay tila likong selda.
Mga pangakong kailangang tuparin,
Kahit sarili’y unti-unting lupigin.

Aming ama’y pumanaw nang maaga,
Iniwan kami sa disyertong walang ulan ng alaala.
aking aming inay nilulumpo ng katandaan,
Kaya’t ako ang pumuno sa kawalan.

Minsan, tanong ko, bakit ako na lang?
Bakit ako ang itinadhanang magtaglay ng sagwan?
Ang aking mga pangarap ay nauurong, parang ulap na tinatangay ng hangin,
Walang saysay ang pag-abot sa kanila sa ilalim ng gabing madilim.

Hirap na ang katawan, isip ay nangangawit,
Ngunit paano ko ba sila iiwan sa sintunadong awit?
Walang puwang para sa “huwag muna,”
Kahit ako’y nagpupumiglas, di sila magkukulang sa buhay na payapa.

Ngunit ito ang pag-iral ko ng pagiging panganay,
Ang maging bayani sa pamilya kong nakasahod ang kamay.
Ang ‘wag unahin ang sarili bagkus ang mahal ko sa buhay,
Puso ko’y matibay, tulad ng mga ugat sa ilalim ng bato, handang magsakripisyo’t maghintay.

Ako’y haliging di natitinag ng puyos ng panahon,
Bagamat hapdi’t bigat ang hatid ng bawat hamon.
Sa ilalim ng unos, tanglaw ko’y pagmamahal,
Sa pamilyang sinisilungan, ang sakripisyo’y banal.

Ako ang haligi, kahit durog na ang katawan,
Isa akong ilaw sa tahanan, hindi maaring mapundi upang sila’y masinagan.
Ang maging kapatid na magtataguyod ng kanilang pangarap,
At magbigay ng pagkain at buhay na malalahanhap.

Pakiramdam ko, ang halaga ko’y nasa bawat abot ko,
Sa bawat bigay, sa bawat sakripisyo.
Ngunit takot akong maglaho ang silbi’t saysay,
Sapagkat kung wala iyon, sino pa ba ako sa kanilang buhay?

Kung mawala ang lakas ng balikat kong sinasandalan,
Ano ang papel ko sa pamilyang iniingatan?
Ako ba’y isang anino lamang, o bahagi pa rin ng kanilang kwento?
Ang alon ng buhay, naglalakbay patungong hindi malirip na kalaliman nito.

Sa murang edad, kinalimutan ko na ang di-mabilang na saya ng kabataan,
Ang pagiging bata, iniwan ko sa dulo ng isang daang taon ng kamalayan.
Sa gabi’y humihikbi nang tahimik,
Sa araw, kumakayod, pagod ay sumisiksik.

Saksi sa pagtitiis, bawat patak ng pawis,
Pangarap ko’y natatabunan ng bayarin, gastos, at sakit.
Sa bawat tinapay, may mga puso na kumakalam,
Sa bawat bariya, pangarap nila’y umaalab—para sa kanilang kinabukasan.

At dumating ang gabi ng aking pagkabigo,
Isang gabi kung saan kahit luha’y nagtatago.
“Hanggang kailan?” tanong kong inuusal,
Ngunit walang sagot—kundi tahimik na dasal.

Sa ilalim ng mga ulap ng pasakit, isang liwanag ang bumangon,
Isang ngiti, parang agos ng tubig na humuhugas sa galit ng mga alon.
“Salamat, Kuya,” sabi ng bunso kong nakakapit,
At ang puso ko’y parang nadurog at muling nabuo sa isang saglit.

Hindi man ang pangarap ko ang aking inuuna,
Ngunit ang kanilang saya ang nagbibigay ng kulay sa aking umaga.
Sa bawat hikbi, sa bawat pagsuko,
Nakakahanap ako ng lakas sa simpleng “Mahal kita, Kuya ko.”

Ngayon, natutunan kong mahalin ang bawat sakripisyo,
Ang bawat araw ng pagkayod ay may bagong layunin at bisyo.
Ako’y hindi lamang tagapagtaguyod; ako’y ilaw at haligi,
At sa kanilang tagumpay, ako’y may bahagi.

Balang araw, darating din ang oras na para sa akin,
Ang araw kung kailan maririnig nila ang akin ding hangarin.
At sa gabing iyon, hihimlay akong may ngiti sa labi,
Pagkat alam kong sa bawat sakripisyo, ako’y naging buo—hindi nag-iisa, kundi bahagi.

Isa akong panganay, tagapagtaguyod ng aking pamilya,
Ang kwento ko’y puno ng pagsubok, tagumpay, at saya.
Ngunit higit sa lahat, ito’y paalala:
Na ang bawat butil ng pawis ay may kalakip na ligaya—
Dahil kapag may tiyaga, may nilaga.

Leave a Reply