Isang simpleng bulaklak na tumubo
Unti-unti itong lumago
Napapaligiran ng kapangapangarap na rosas
Tingkad niya’y di kumukupas.
Sa gilid ng bulaklak may tumubong damo
Nag-aagawan para taas ay matamo
Kalungkutan ang bakas ng simpleng bulaklak
Sa pag-idlip di mo man lang siya pinangarap.
Araw-araw siyang umaasa
Mapansin man lang ang kanyang ganda
Hindi niya alam kung hanggang kailan
Mas napansin mo pa ang tumubong ligaw na halaman.
Kailan mo pa kaya mabigyan ng halaga,
Ang simpleng bagay na sa iba’y nagpapasaya?
Kailan mo pa kaya mapapansin?
Kailan mo siya kakausapin?
Balang araw makikita mo rin
Ang halaga ng bagay na di mo pinansin.
Makikita mo ang kanyang halaga
Sa panahong wala na siya o masaya na siya sa piling ng iba.